ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz
Baby Letizia, pabibinyagan na

Marian Rivera, naghahanda na raw sa pagbabalik-showbiz

 


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Matapos ang ilang buwan na maternity leave from showbiz, sinabi ni Dingdong Dantes na naghahanda na si Marian Rivera sa kanyang pagbabalik sa showbiz. Pero bago nito, nakatuon daw muna ang atensiyon ng mag-asawa sa binyag ng kanilang anak na si Baby Letizia.

Sa "Chika Minute" report ni Aubrey Carampel sa GMA News 24 Oras nitong Biyernes, sinabi ni Dingdong na kinukumpleto na raw nila ang listahan ng mga tatayong ninong at ninang ng kanilang panganay na anak.

Pinili raw ng Kapuso Primetime King and Queen na gawing private at intimate ang okasyon para sa kanilang baby.

"Itong buwan na 'to 'yon yung plano kung kailan namin siya gustong mapabinyagan," ani Dingdong. "Gusto namin yung mga magsisilbing grandparents niya yung gagabay sa kaniya talaga sa kaniyang paglaki."

Nag-e-enjoy daw ang mag-asawa sa pagiging hands-on parents.  Nasusubaybayan daw nila ang paglaki ni baby Letizia, na ayon kay Dingdong ay very energetic daw tulad ni Marian.

"Parang gusto na niyang magsalita. May mga sound na lumalabas sa kaniya. So parang in a way nakaka-communicate na siya sa aming pananaw," masayang kuwento ng aktor.

Dahil sa pagbubuntis at panganganak, mahigit dalawang buwan nang nagpapahinga sa trabaho si Marian.

Pero ayon kay Dingdong, naghahanda na raw ang kaniyang maybahay sa kanyang pagbabalik sa telebisyon.

"Siyempre pretty soon babalik na rin sa trabaho, so back to regular programming na 'yan," anang aktor. -- FRJ, GMA News

Tags: babyletizia