Tom Rodriguez and Dennis Trillo back together to do 'Lip Sync Battle'
Magsisimula na ang Philippine franchise ng “Lip Sync Battle” sa February 27, Sabado, at ang unang pares ng celebrities na sasabak rito ay ang tambalang Tom Rodriguez at Dennis Trillo, na sumikat bilang loveteam sa Kapuso primetime series na “My Husband's Lover.”
Ayon sa hosts na sina Michael V. at Iya Villania sa press conference ng naturang programa nitong Martes, kaabang-abang ang gagawing pagtatanghal ng Kapuso hunks sa pilot episode ng “Lip Sync Battle Philippines.”
“Magandang dito nangyari ang pagbabalikan nila. Pareho pa nilang hindi nagagawa ito, kaya todo-bigay talaga. Hindi ako nagulat, namangha ako. Bukod sa pagpasok nila na magugulat ka, may gagawin pa sila sa gitna na hindi mo aasahan,” paliwanag ni Bitoy.
Dagdag naman ni Iya, “Bukod sa kanilang performance, nakakatuwa ang raport nila habang naghahantay sa backstage. Parang nagsusukatan sila. Akala mo totoong laban. 'Yung kaba nila, akala mo life-changing performance nila ito. Kinakabahan sila pareho. Parehong nag-iisip kung anong gagawin ng isa.”
“Namangha ako sa gigil nila. Wala tilang tinira sa sarili nila. Akala mo performance of a lifetime. Si Tom, nagdasal pa! 'Yung kaba nila, todo talaga,” ayon pa sa “Taste Buddies” host at “Chika Minute” anchor.
Sa katunayan nga raw, nahirapan pang mamili ang dalawa kung sino kay Tom at Dennis ang magwawagi sa unang episode ng programa.
Kabilang rin sa magde-desisyon kung sino ang magwawagi sa bawat pagtatapat ng mga artista tuwing Sabado ay ang lingguhang audience ng “Lip Sync Battle Philippines.”
“They are both very entertaining but in different manners. Kaya nahirapan rin akong pumili,” ayon kay Iya.
Abangan ang pagsisimula ng Philippine franchise ng “Lip Sync Battle” sa February 27, Sabado, pagkatapos ng “Magpakailanman." —JST, GMA News