Tula ni Maine kay Alden, pang-kalyeserye lang o pang-totohanan na?
Isang mahabang tula ang ginawa ni Maine Mendoza o Yaya Dub para kay Alden Richards na binasa niya sa kalyeserye ng Eat Bulaga. Pero tanong ng mga dabarkads, pang-aktingan lang ba o totohanan na ang laman ng damdamin ng dalaga.
Nitong Sabado, natuloy ang road trip nina Alden at Yaya para mag-date ngayong Valentine sa Tagaytay. Sa inihandang lamesa na kita ang magandang tanawin sa sikat na pasyalan, nagpalitan ng regalo ang dalawa.
"The Perfect Date"
Posted by Eat Bulaga on Friday, February 12, 2016
Naka-box ang regalo ni Alden kay Yaya o Divina, habang Disney calendar na nakalagay ang larawan ni Maine ang regalo ng dalaga sa binata.
Bukod sa calendar, isang tula na isinulat mismo ng dalaga kagabi ang binasa niya para kay Alden.
Ayon kay Maine, gaya ng sinabi niya noon, hindi niya inakala ang mangyayari sa kanila ni Alden na nakita lang niya sa split screen sa camera ng Eat Bulaga.
Saad niya sa tula:
"Sino ka nga ba? At paano mo masasabi na ikaw ay naiiba?
Ano nga ba ang papel mo sa mundong ito?
Ano nga rin ba ang papel mo sa buhay ko?
'Yan ang mga bagay na tinatanong ko sa aking sarili
Madalas nga ay hindi ako mapakali
Sa dami ng bumabagabag sa aking isip
May mga oras na sumasakit na ang aking dibdib
Sabi ng iba ay hindi raw ikaw ang karapat-dapat
Humanap daw ako ng iibig sa akin nang sapat
Kaya dapat daw akong maging maingat
Pero sino ba sila para magdikta kung sino ang nararapat?
Inaamin ko na ako'y takot na mahulog sa isang tulad mo
Ngunit alam ko na darating ang araw na kinatatakutan ko
Pero ano ba ang magagawa ko
Tila ang loob ko'y unti-unting nahuhulog sa'yo
Tinatanong ko ang aking sarili kung ikaw ba'y aking gusto
Ngunit ang isip ko'y nagsimulang magtalo
Maaaring hindi ang bulong ng isipan ko
Pero nararamdaman ko ang sigaw ng puso ko ay 'Oo'
May mga oras na isip ko'y gulong-gulo
Sapagkat hindi ko na malaman kung alin ba ang totoo
Hindi ko kailanman plinano na magkagusto sa'yo
Hindi ko rin alam kung tama bang sundin ang puso ko
Alam mo bang mahirap kang basahin
Kaya tila ba kayhirap mong mahalin
Sa takot na hindi mo ako kayang saluhin
Ayos lang, basta kailanman ay 'wag mo kong lolokohin
Ninanais kong malaman ang tunay na laman ng puso mo
At magbakasali kung pangalan ko ba ang isinisigaw nito
Nais kong malaman ang tunay kong halaga sa'yo
Pero ako ay natatakot na malaman ang totoo
Tila sa puso ko'y ikaw lang ang tanging makikita
Dapat na bang aminin ang aking sinta?
Tama bang sabihin sa iyo
Tamang panahon na lang ang hinihintay ng puso ko."
Hindi nakapagsalita si Alden matapos basahin ang tula ni Maine o Yaya. Sa halip, nilapitan nito ang dalaga ang mahigpit na niyakap at dalawang ulit na hinalikan sa noo.
The forehead kiss.. ????????
— ALDub_MaiDenHeaven (@AldubOTP) February 13, 2016
#ALDUBValentinesDate pic.twitter.com/jpxeyBm2g4
Muling nangako si Alden na walang iwanan at lagi siyang aalalay sa dalaga.
Ang dabakrdas na si Allan K, may patulang tanong na, "ang tanong ko sa inyo, kalyeserye pa ba ito?"
Natuwa rin si Lola Nidora sa tula ni Maine na halagang nagmula raw sa kalooban ng dalaga.
Pero siya man ay may makatang tanong sa dalawa, "tanong sa sarili ko, aktingan pa ba ito?"
Nagbigay din ng mensahe si Nidora sa mga nagmamahalan na higit sa mga materyal na bagay tulad ng bulaklak at chocolates, mas mahalagang regalo sa minamahal ang oras at panahon.
"Ang pinamahalagang regalo na maibibigay ay panahon at oras dahil lalong yumayabong ang pagtitinginan at pagmamahalan," paalala niya.
Bago matapos ang episode, may huling sorpresa daw si Alden kay Maine at nilapitan nito ang dalaga na tila hahalikan.
Sabi ni Maine, hindi raw yata siya na-orient sa huling eksena.
Pero bago pa man magawa ni Alden ang sorpresa, tumunog na ang busina na hudyat ng pagtatapos ng kalyeserye. Kaya naman nakabitin si Alden na tila hahalikan si Maine.
Happy Valentines ALDUBNATION! ????????????????????????????????@aldenrichards02 @mainedcm @DADDYBAEnatics @niki_natics #ALDUBValentinesDate pic.twitter.com/FHccioAG7W
— Sophia Torrejos (@itsrealsophia) February 13, 2016
Habang naka-freeze ang dalawa, humirit si Joey de Leon kay Alden na ipakita nito ang tunay na saloobin dahil nailahad na ni Maine ang damdamin nito sa tula.
Dito na itinuloy ni Alden ang pariing paghalik sa pisngi ni Maine, at nauwi ang lahat sa habulan. -- FRJ, GMA News