How Marian Rivera achieved sexy post-pregnancy figure
Marami ang hindi makapaniwala sa mabilis na pagbalik ng magandang pangangatawan ni Kapuso Primetime Queen Marian Rivera, tatlong buwan lamang ang nakalipas mula nang isilan ang panganay na anak nila ni Kapuso Primetime King Dingdong Dantes.
Ipinanganak nitong November 23 si Baby Maria Letizia, at mula noon ay proud breastfeeding mom na raw si Marian.
Kuwento ng Kapuso actress sa naganap na press conference nitong Martes, “Noong una, nahihirapan ako. Dumating sa point na naiiyak ako kasi sunod-sunod—kung hindi ako nagbe-breastfeed, nagpa-pump ako. Pero sabi nga sa akin ng asawa ko, 'Susuportahan kita. 'Wag kang susuko.' Ginagawa ko naman ito para sa kabutihan ng anak ko, kay kaunting sacrifice na lang din. Basta ang anak ko, malusog.”
“(Nagbe-breastfeed ako) Hanggang ngayon. Proud ako na three months nang walang formula si Zia,” dagdag pa ni Marian.
Bukod pa riyan, proud rin ang Kapuso Primetime Queen sa pagiging hands-on parents nila ng kaniyang mister.
Maliban sa kanila, ang tanging nag-aalaga lang daw kay Baby Zia ay ang mga lolo at lola nito.
Ayon kay Marian, “Hands-on ako. Wala kaming yaya na nag-aalaga—siguro tumitingin-tingin lang. Kami ni Dong lahat. Kaya kung wala man ako, nandoon si Lola o si Mama para bantayan ang anak ko. Minsan naman, mommy ni Dong. 'Yun lang ang nag-aalaga kapag wala ako. Mas panatag ang loob ko kapag members of the family.”
Malaking tulong raw ang breastfeeding sa pagpapanatili niya ng magandang kalusugan ni Zia at ng magandang pangangatawan naman para sa kaniya.
Hindi man nakakapag-exercise o nakakapag-diet, sinisiguro naman ni Marian na masusustansyang pagkain ang kaniyang kinakain para na rin sa kapakanan ng kaniyang unica hija.
Isa nga sa pinakapaboritong pagkain ng Kapuso Primetime Queen ay ang malunggay.
Ayon sa Kapuso actress, “Hindi pa ako puwedeng mag-diet at mag-exercise kasi nagbe-breastfeed pa ako. Kailangan nutritious 'yung kinakain ko. Araw-araw, malunggay. Kailangan lagi akong may sabaw ng malunggay.”
Bukod sa nakatakdang pagbalik niya sa “Sunday Pinasaya” ngayong darating na Linggo, bibida rin bilang Inang Reyna si Marian sa inaabangang 2016 remake ng Kapuso fantaserye na “Encantadia.”
Malapit na ring bumida ang Kapuso Primetime Queen sa sarili niyang talk show ngayong taon. —JST, GMA News