Bea Binene, gaganap na babaeng asal-aso sa afternoon series na 'Makita Kang Muli'
Kakaibang role ang gagampanan ng Kapuso actress na si Bea Binene sa pinakabagong Afternoon Prime series na “Makita Kang Muli,” na pangungunahan ng batikang direktor na si Laurice Guillen.
Sa ginanap na press conference ng naturang programa nitong Lunes, ibinahagi ni Bea na bibigyang buhay niya ang karakter ni Anna, isang babaeng asal-aso.
Aminado ang aktres na naging pagsubok ang pagganap sa role na ito, lalo na't ibang-iba ito sa mga programang nagawa niya noon pati na sa comedy show na “Vampire Ang Daddy Ko.”
Aniya, “Una palang itong soap na may ganitong kuwento sa Pilipinas, kaya kailangan mapaganda at maging makatotohanan kahit wala pa tayong basehan ng ganitong istorya.”
“Para kang nagwo-workout habang taping kasi yung takbo, yung lakad, ibang-iba. Nakaka-challenge at mahirap talaga,” dagdag pa niya.
Gayunpaman, inspired raw si Bea na pagbutihin ang pagganap sa karakter ni Anna dahil kasama niya ang isa sa mga pinakamagagaling na direktor sa industriya, at ilan pang mga batikang aktor at aktres.
Kabilang sa mga bibida sa “Makita Kang Muli” sina Raymart Santiago, Angelika Dela Cruz, Ina Feleo, Kim Rodriguez, Derrick Monasterio, Marco Alcaraz, Rita Avila, Jak Roberto, at marami pang iba.
Mapapanood na sa GMA Afternoon Prime ang naturang programa simula sa Lunes, March 7. -- FRJ, GMA News