ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Solenn Heussaff, naghahanda na sa kasal; Anne Curtis, susunod na kaya?


Inihayag ng Kapuso star na Solenn Heussaff na naghahanda na siya sa kasal nila ng Argentinean boyfriend na si Nico Bolzico. Susunod kaya ang kaibigan niyang si Anne Curtis na karelasyon ng kapatid niyang si Erwan Heussaff?

Sa "Chika Minute" report ni Cata Tibayan sa GMA News 24 Oras nitong Biyernes, sinabing sa Mayo na ikakasal sa France sina Solenn at Nico.

Pero hindi raw "wedding jitters" o stress ang nararamdaman ni Solenn kung hindi excitement lalo na't malapit na niyang makita ang kanyang gown na gawa sa Israel.

Simple raw ang look ng wedding gown niya at intimate ang magiging feel ng wedding celebration na limitado sa mga kaanak at malalapit nilang kaibigan ni Nico.

Itinanggi rin ni Solenn na pinalilimitahan ni Nico ang pagtanggap niya projects na may sexy theme. Kahit nga daw buntis na siya, magsusuot pa rin siya ng mga sexy dress.

Katunayan, sa photo shoot para sa sarili niyang perfume line, sexy at sultry ang peg ni Solenn.

Dalawang taon daw niyang binuno ang bagong business venture at at hands on umano siya sa proseso ng pamimili ng perfume scents na mula pa sa France at Thailand.

Anne Curtis, magpapakasal na rin?

Sa ulat naman ng Philippine Entertainment Portal (PEP.ph), nilinaw ni Anne ang balitang magpapakasal na raw sila ngayong taon ng boyfriend na si Erwan Heussaff.

Pagtaya ni Anne, baka two to three years pa bago sila lumagay sa tahimik ni Erwan.

Hindi naman daw siya naiinggit sa mga kaibigan niyang sina Solenn, Isabelle Daza, at Georgina Wilson na pawang engaged na.

“Hindi, kasi it comes in their own right time," anang tv host-actress.

“And ako, napaka-career driven ko. And once you decide kasi na handa ka nang magpakasal, dapat handa ka na ring i-give up kung ano yung meron ka sa career mo, kasi mag-iiba ‘yan," dagdag niya.

Sa ngayon, masaya raw silang dalawa ni Erwan. -- FRJ, GMA News