Dingdong Dantes, 'di nandidiri sa 'poo-poo' ni baby Zia
Kung mayroong ibang ama na ipinauubaya sa nanay o sa yaya ang paglilinis sa baby kapag "dumumi," hindi ang bagong daddy na si Dingdong Dantes.
Sa panayam ni Arnold Clavio sa programang Tonight With Arnold Clavio nitong Miyerkules, sinabi ni Dingdong na inaabangan niya ang pag-poo-poo ng panganay nilang anak ni Marian Rivera na si baby Zia.
"Alam mo ito talagang challenge ito sa ibang tatay, yung unang poo-poo," sabi ni Arnold kay Dingdong. "Ikaw ba'y ano, diring-diri ka ba?"
Sabi ni Dingdong, "Hindi talaga. Looking forward ako diyan. Araw-araw binabantayan ko, inaalam ko kung ilan beses sa isang araw kasi ako ang tinatanong ng pedia eh."
Ipinakita pa si Dingdong kay Arnold kung gaano siya kabilis na maglagay ng diaper sa isang manika na kunwari ay baby.

Bagaman nabanggit noon ni Marian na gusto niyang magkaroon ng isang dosenang anak, natatawang sinabi ni Dingdong kay Arnold na mabuting tanungin muli tungkol dito ang kaniyang asawa kung nagbago na ang isip ngayong naranasan na nilang mag-alaga ng bata.
Aminado rin ang aktor na si Marian ang higit na kamukha ng kanilang anak lalo na ang ilong ng bata.
"Aaminin ko parang lahat sa kaniya (nakuha). Siguro ano sa ugali combine," natatawang pahayag ni Dingdong.
Habang lumalaki raw si baby Zia, sinabi ni Dingdong na halos ayaw niyang mawala sa tabi nito.
"Inaantay ko yung unang word na sasabihin niya. Hindi ko alam kung mama ba o papa, kung daddy or mommy, pero whatever it is nakaabang ako diyan," masayang saad niya.
Bagaman malaking oras nila ni Marian ang inilalaan sa bata, sinabi ni Dingdong na hindi naman nila pinapalampas na mag-asawa na maglaan ng quality time sa isa't isa.
Isa o dalawang beses daw sa isang buwan ay lumabas sila ni Marian na silang dalawa lang para magkaroon sila ng sandali sa isa't isa. -- FRJ, GMA News