Showbiz, pasukin na kaya ni Jeyrick 'Carrot Man' Sigmaton?
Matapos mag-host at umawit sa "Wowowin" ni Willie Revillame nitong Huwebes, tuluyan na kayang pasukin ni Jeyrick 'Carrot Man' Sigmaton ang showbiz?
Marami ang naantig at humanga kay Jeyrick nang marinig ang kuwento ng buhay nito at kaniyang tinig nang awitin sa Wowowin ang "Ikaw Na Nga" ni Kuya Wil.
Bilib si Willie kay Jeyrick sa kasipagan nito at pagiging simpleng tao. Katunayan, ibinahagi ni Willie na hindi raw alam ni Jeyrick ang mall nang ipasyal ng crew ng GMA ang binata sa Maynila.
Dahil sa kagustuhang makatulong sa kaniyang pamilya, natigil sa pag-aaral si Jeyrick sa edad na 12 para magtanim.
Dahil nabanggit ni Jeyrick ang hangarin niyang makabalik sa pag-aaral, nangako agad ng tulong si Kuya Wil.
Sa ulat ni Aubrey Carampel sa GMA News 24 Oras nitong Huwebes, sinabi ni Willie na ang mga katulad ni Jeyrick ang nagbibigay ng inspirasyon sa kanilang programa.
"Yon ang importante na makapag-aral siya, 'yan ang pangarap niya," ani Kuya Wil. "Ngayon mo mare-realize na masarap yung may ganitong programa pala...ito yung mga inspirasyon namin, yung katulad nila."
Dahil nasa Wowowin, binigyan ng pagkakataon ni Kuya Wil na maipakita ng Igorot Bae na si Jeyrick ang kaniyang talento sa pag-awit at pagho-host.
Sa ngayon, pinag-iisipan na raw ni Jeyrick at ng kanyang pamilya kung papasukin niya ang showbiz. Maaari raw na maging daan ang pag-aartista para mabago ang kanilang pamumuhay.
"Pagbalik ko sa amin pag-iisipan ko, sasabihin ko sa mga lola ko kung gusto nila," aniya.
Payo naman ni Kuya Wil kay Jeyrick, "Bakit si Yaya Dub (Maine Mendoza) sumikat? kasi ilang milyong yaya mayroon sa buong mundo. Parang ikaw din, ilang milyon ang magsasaka na nag-aani ng carrots, ng cauliflowers, nang lahat ng 'yan. So parang ganun ka rin, inspirasyon ka nila." -- FRJ, GMA News