Lotlot de Leon, John Arcilla request prayers for talent manager Tita Angge
Isinugod sa Cardinal Santos Memorial Medical Center sa San Juan City ang talent manager na si Cornelia Lee, na mas kilala bilang Tita Angge, nitong Sabado ng gabi dahil umano sa chest pains na kaniyang nararamdaman.
READ: Doctors revive talent manager Tita Angge as showbiz personalities call for prayers
Kritikal ang kalagayan ni Tita Angge at hindi pa rin nagigising, kaya naman patuloy ang panalangin ng mga nagmamahal sa kaniya para sa pagbuti ng kaniyang kalagayan.
Isa sa mga labis na nalulungkot sa pangyayaring ito ang “alaga” ng talent manager na si Lotlot de Leon, na parang nanay na raw ang turing kay Tita Angge.
“Mino-monitor pa rin ang kondsiyon ni Tita Angge. Sa pagkakaalam ko, sa ngayon, dasal lang talaga ang magagawa para sa kaniya,” aniya sa panayam ng “24 Oras” nitong Lunes.
Patuloy naman ang pakiusap ng “That's My Amboy” actor na si John Arcilla na ipanalangin ang kaniyang talent manager.
Ayon kay John, hindi niya akalaing mangyayari ito kay Tita Angge dahil magkasama pa sila noong Biyernes at Sabado.
“We're still hoping. Umaasa kami sa miracle. Talagang mahirap isipin na miracle na lang ang hinahanap namin,” pahayag niya.
Dagdag pa ng batikang aktor, “Inilalagay namin sa kamay ng Diyos ang (mga mangyayari), pero ipinagdarasal ko rin yung mga maiiwan, kung paano nila tatanggapin. Ang pamilya kasi ni Tita A, sobrang close sa kaniya.”
Pakiusap naman ni Lotlot, “Sa lahat ng nakakakilala kay Tita A, sa mga nakatrabaho niya sa industriya, alam natin na napakabait niya at marami siyang natulungan. Sana ipagdasal natin na bumuti ang kalagayan niya.”
Matapos maging masugid na tagahanga ng ilang sikat na artista, naging radio, television, at film talent si Tita Angge, at kalaunan ay naging talent manager at casting director din.
Ilan sa mga pelikulang kinabilangan niya ang “Way Out in the Country,” “May Tampuhan Pa-minsan-minsan,” “Sitting in the Park,” “Pogi,” “Joaquin,” “Petrang Paminta,” “Servillano Zapata,” “Wrong to Be Born,” at marami pang iba. -- Bianca Rose Dabu/FRJ, GMA News