Si Regine o si Ogie: Sino ang nag-i-i-spoil o nagdidisiplina kay Nate?

Matapos makunan noon sa first baby sana nila ni Ogie Alcasid, hindi na raw inasahan ni Regine Velasquez na mabubuntis pa siya. Kaya naman labis ang kaniyang kasiyahan nang dumating sa buhay nila si Nate, na apat na taong gulang na ngayon.
Kuwento sa "Tonight With Arnold Clavio" ni Regine, leading lady sa bagong Kapuso primetime series na "Poor Señorita," lumalaking mabait na bata si Nate.
Pero dahil nag-iisang anak, aminado si Regine na hindi nila inaalis ang posibilidad na maging 'spoiled' ito kaya naman ginagabayan din nila ng disiplina.
Sa kanila ni Ogie, hindi raw inasahan ni Regine na siya ang magiging disciplinarian kay Nate.

"Kanina pinagalitan ko siya," kuwento ng Asia's Songbird kay Igan Arnold. "'Di ba 'pag ganung age nagsisira ng toys? So I'm trying to explain to him na don't do that."
Ipinaliwanag daw ni Regine sa anak na nagtatrabaho sila ni Ogie para mabili ang mga laruan nito kaya dapat niyang ingatan.
Tumatango naman umano si Nate na indikasyon na nauunawaan ng bata ang kaniyang bilin.
Patungkol kay Ogie sa pag-aalaga kay Nate, natatawang ikinuwento ni Regine na, "'Yung tatay niyan sira-ulo. Kasi 'pag umiiyak (si Nate), 'o bakit?' Kasi close sa akin, nagseselos siya nang konti. 'Ah ganun, inaaway ka ni mama? Dito ka sa akin.'"
Bilang bonding nilang pamilya, nais daw ni Regine na magawa nila lagi ang mag-picnic sila sa UP tuwing weekend dahil malapit dito ang kanilang bahay.

Samantala, bonding naman daw nilang mag-asawa ang lumabas paminsan-minsan para manood ng sine o concert, o kumain sa labas.

At sa kabila ng kanilang trabaho, sinabi ni Regine na hindi nila inaalis ni Ogie na makapagkwentuhan ng kahit ilang minuto bago matulog sa gabi para manatiling bukas ang kanilang komunikasyon bilang mag-asawa. —FRJ/KG, GMA News