John Arcilla, may ibang ipakikita sa karakter na Haring Hagorn sa 'Encantadia2016'
Sa pag-anunsiyo nitong Lunes ng mga bagong gaganap sa "Encantadia" 2016, kabilang sa mga inabangan ng mga manonood ay kung sino ang bagong kontrabida na kakatawan sa malupit at sakim na karakter ni Haring Hagorn, na dating ginampanan ni Pen Medina.
Sa "Chika Minute" report sa GMA News 24 Oras nitong Martes, nakapanayam ni Aubrey Carampel ang bagong Hagorn ng kaharian ng Hathoria--si John Arcilla.
Ang kaharian ng Hathoria ang pinakamalaki at isa sa pinakamakapangyarihan sa mundo ng Encantadia.
Sakim ang kanilang hari na si Hagorn na nais mapasakamay ang apat na brilyanteng nasa pangangalaga ng apat na Sang'gre (Pirena, Amihan, Alena, at Danaya), na gagampanan nina Glaiza de Castro, Kylie Padilla, Gabbi Garcia, at Sanya Lopez.
LOOK: Ang mga dati at bagong bibida sa 'Encantadia2016'
Para sa batikang aktor na si John Arcilla na napanood sa matagumpay na pelikulang "Heneral Luna," malaking hamon sa kanya ang gumanap bilang pangunahing kontrabida sa bagong Encantadia.
Ayon kay John, gagawin nila ang lahat para malampasan ang naging tagumpay ng unang Encantadia.
May mga pagkakabago rin umano sa istorya nito gaya ng gagawin niyang pagpapakita sa "soft spot" ni Hagorn kung bakit ito naging sobrang masama.
"Yung galit ni Hagorn may pinanggagalingan yun, i'ts because of love," aniya.
May mga tapat na tauhan si si Hagorn na kabibilangan ng ang kanyang kanang kamay at second-in-command na si Agane, na gagampanan ni Rochelle Pangilinan.
Isa pang tapat na tauhan ni Hagorn si Gurna, ang dama ni Pirena, na gagampanan naman ni Vaness del Moral
Handa na raw ang grupo ni Hagorn na maghasik ng kasamaan sa bagong daigdig ng "Encantadia."
"Kung gaano po kayo ka-excited, ganun din po kami (na) lalong ka-excited na mabigyan kayo ng isang Encatadia na mas higit pa sa dati," ani John. -- FRJ, GMA News