ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Aktres na si Ana Capri, hinipuan at sinampal daw ng isang lalaki


Nagtungo sa tanggapan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang aktres na si Ana Capri para ireklamo ang ginawang pambabastos at pagsampal daw sa kaniya ng isang lalaki sa isang bar sa Bonifacio Global City sa Taguig.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News 24 Oras nitong Huwebes, sinabing nagtungo si Ana sa The Palace Pool Club kasama ang mga kaibigan noong Linggo ng madaling araw.

Pero habang nagcha-charge ng kanyang cellphone, bigla raw siyang nilapitan ng isang lalaki at hinawakan siya sa puwetan.

Nang komprontahin daw niya ang lalaki na tinatayang na 50-anyos at may taas na 5'7, bigla raw siyang sinampal at dinuduro-duro pa.

Ang ikinasasama pa ng loob ng aktres, inalalayan pa raw ng mga security ang lalaki para makaalis ng establisimyento nang hindi niya nakukuha ang pangalan nito.

Giit ni Ana, "Ibig po bang sabihin porke VIP tayo sa isang lugar na 'to okey lang mangmolestiya ng ibang tao?"

"Napakaliit na bagay ng hinihingi ko, ibigay mo lang yung name kasi katulad ngayon kaya ako nahihirapan, hindi ako makapag file (ng reklamo) nang maayos because wala kaming name," dagdag niya.

Ayon sa NBI, hihingi sila ng kopya ng CCTV footage ng bar para makatulong sa kanilang imbestigasyon at matukoy ang pagkakakilanlan sa lalaki.

Posible raw na makasuhan ng obstruction of justice ang bar kapag hindi sila nakipagtulungan sa imbestigasyon.

Kasong paglabag sa R.A. 9262 o violence against women, sexual harassment at physical injury ang maaari umanong isampa laban sa lalaking inirereklamo ni Ana.

Sakaling dayuhan, makikipag-ugnayan ang NBI sa embassy ng lalaki para mapanagot ito sa kanyang ginawa.

Samantala, sinabi naman ng pamunuan ng club na handa raw silang tulungan si Ana, at makikiisa sa imbestigasyon ng mga awtoridad.

Base raw sa kanilang protocol, pinaghiwalay nila ang dalawang sangkot para hindi na lumaki pa ang gulo at pinalabas ang lalaki. -- FRJ, GMA News