Dancing kid na si Balang, gaganap sa kaniyang buhay sa Magpakailanman
Naipakita na ng batang si Balang ang kaniyang husay sa pagsayaw na naging daan para maimbitahan siya sa American tv show ni Ellen DeGeneres. Sa Sabado, makikita naman ang husay niya sa pag-arte sa kaniyang pagganap sa sarili niyang buhay sa programang Magpakailanman.
Sa likod ng masayahing mukha ni Balang, o John Philip Bughaw sa tunay na buhay, nakakubli ang mga pinagdaanan niyang hirap sa buhay.
Una siyang nakilala sa social media nang mag-viral ang kaniyang mga video habang nagsasayaw. Ang naturang mga video ang naging daan para maimbitahan siya sa mga programa at tuluyang makapasok sa showbiz.
Sa Sabado, tunghayan sa "Magpakailanman: Zumba Dancing Boy: Balang,” ang mga pinagdaanang hirap at pagsubok sa buhay ni Balang at ng kanyang pamilya.
Makakasama rito ni Balang sina Manilyn Reynes, Ryan Eigenmann, Susan Africa, Klea Pineda at Divine Aucina.
Ang “Zumba Dancing Boy: Balang” ay sa ilalim ng direksyon ni Real Florido, sa panulat ni Jessie Villabrille at pananaliksik ni Georis Tuca.
Mapapanood ang Magpakailanman sa Sabado, pagkatapos ng Lip Sync Battle Philippines. - FRJ, GMA News