ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

'Paano mag-move on kung hindi kayo?' Maine gives love advice on Facebook Live


 

Nagkaroon ng pagkakataong magbigay ng payong pag-ibig ang Kalyeserye sweetheart at “Eat Bulaga!” host na si Maine Mendoza sa kaniyang live chat nitong Martes ng tanghali.

Isang tagahanga ang nagpadala ng tanong: “Paano mag-move on kung hindi naman naging kayo?”

Sagot dito ni Maine, “Gaano mo ba kamahal? Ang pagmu-move on, kanya-kanya tayong style diyan. It's up to you to find out what works for you. 'Yung iba, mabilis. 'Yung iba, matagal.”

“Tanggapin mo muna. Isipin mo 'yung rason kung bakit ka magmu-move on. Ano bang dahilan? Hindi ka ba mahal? Hindi ba nare-reciprocate 'yung feelings mo? May ibang hadlang? Alamin mo ang rason. Tapos, tanggapin mo. 'Yan ang number one key sa pagmu-move on—acceptance. Kailangan tanggapin mo na ganun talaga. Everything happens for a reason,” dagdag pa niya.

Huwag rin daw madaliin ang pagmu-move on, at sa halip, maghanap na lamang ng mga bagay o hobbies na maaaring gawin upang hindi na masyadong maisip ang masalimuot na pinagdaraanan. Aniya, “Be productive.”

Payo pa ng Dubsmash Queen, “Ang sabi nila, 'Feel the pain until it hurts no more.' Damhin mo lang ang sakit. Kapag pinigilan mo, parang niloloko mo lang ang sarili mo. Damhin mo ang sakit, 'yung lungkot. Pero huwag mo lang patagalin. Magbigay ka ng oras para diyan.”

“Keep yourself busy. Gumawa ka ng mga bagay na gusto mong gawin. Para hindi mo na rin iniisip 'yan. Minsan kapag wala tayong ginagawa, maiisip mo 'yung mga moments that you've shared with your loved one. Magpa-flashback lang,” dagdag pa niya.

Pagpapatuloy ng phenomenal Kalyeserye sweetheart, “Darating ang araw na makakalimutan mo siya. Kapag dumating ang araw na 'yun, hindi mo na maiisip na sobra ka palang humaling na humaling sa kaniya noon.”

Posible nga kayang masaktan at mag-move on kahit na hindi mo naman naging kasintahan ang isang tao?

Sagot ni Maine, “Okay lang naman kahit hindi naging kayo. Anong magagawa natin, eh minahal mo 'yung tao? Ang buhay talaga minsan ay nakakaloka. Pero ganun talaga, we need to keep up with life. Sana huwag ka masyadong mag-wallow sa sadness kasi hindi makakatulong 'yan.”

Isa rin daw sa pinakaimportanteng bagay na kailangang matutuhan sa gitna ng mga hinid magagandang karanasan ay ang pagmamahal sa sarili.

Lagi lang tatandaan na mayroong plano ang Diyos, at mayroong dahilan ang lahat ng mga pagsubok na ibinabato sa ating lahat.

“Kung gusto mong i-improve ang sarili mo, do it for yourself at hindi para makapaghiganti. Acceptance is the key, at patawarin mo 'yung minahal mo kung hindi niya naibigay sa'yo 'yung pangangailangan mo,” aniya.

Bilang pagtatapos, sinabi ni Maine na mahalaga raw na makapulot ng aral sa bawat pinagdaraanan, maganda man o hindi.

Ayon sa dalaga, “Everything happens for a reason. Hindi 'yan mangyayari nang wala lang. May plano ang Diyos sa'yo, sa kaniya, sa ating lahat.  Kung anoman ang nangyayaring mabuti o hindi magagandang bagay, isipin mo na nangyayari 'yan dahil may rason ang lahat. Learn your lesson, kasi lahat ng binibigay sa atin ng Diyos ay may rason at may lesson na kalakip.” —JST, GMA News