Anong gagawin ko kung iba ang gusto kong course sa gusto ng magulang ko?
Panibagong problema na naman ang sinubukang bigyan ng solusyon ng Dubsmash Queen at Kalyeserye sweetheart na si Maine Mendoza noong Huwebes sa kaniyang Facebook live chat para sa “Eat Bulaga!” na tinatawag niya ngayong “Itanong kay Menggivina.”
Sa pamamagitan ng isang tweet, nagpadala ng katanungan ang isang estudyanteng kakatapos lang ng high school at naghahanda sa pagpasok sa kolehiyo: “Anong gagawin ko kung iba ang gusto kong course sa gusto ng mga magulang ko?”
Ayon kay Maine, simple lang raw ang solusyon diyan: “Kausapin mo 'yung mga magulang mo.”
“I-explain mo sa kanila kung bakit gusto mong kunin 'yung kursong gusto mo. Siyempre, i-eexplain rin nila kung bakit napili nila 'yung kursong gusto nila para sa'yo, pero sabihin mo sa kanila na mayroon kang pangarap. Gusto mong ma-achieve 'yung pangarap mo kung susundin mo 'yung gusto nila,” dagdag pa niya.
Sigurado raw ang dalaga na iintindihin ito ng mga magulang niya dahil walang ibang nais ang mga magulang para sa kanilang anak kundi ang ikabubuti at ikaliligaya nila.
Paliwanag niya, “Sabihin na nating may pangarap sila para sa'yo, pero mayroon ka ring pangarap para sa sarili mo. Priority mo ang sarili mo. Kausapin mo sila at ipaintindi mo sa kanila na gagawin mo lahat ng makakaya mo at pag-iigihan mo ang pag-aaral.”
Pagpapatuloy pa ng phenomenal Kalyeserye star, “Kung ang kukunin mong kurso ay 'yung gusto ng mga magulang mo pero ayaw mo, isipin mo kung gaano katagal ka mag-aaral, ilang taon ang sasayangin mo, tapos ginagawa mo 'yung hindi mo gusto. Hindi ba malungkot 'yun?”
“Ang gusto lang naman ng magulang ay ang makakabuti sa'yo at ang makakapagpaligaya sa'yo,” ayon pa kay Maine.
Ipinaalala rin niya ang kahalagahan ng pagdarasal at paghingi ng gabay sa Panginoon. — APG, GMA News