How celeb-candidates are faring in Eleksyon 2016
Alamin ang sitwasyon at laban ng ilan sa mga artistang kumandidato ngayong Eleksyon 2016 batay sa "partial and unofficial" count ng transparency server ng Commission on Election (Comelec) na makikita sa GMA News Online.
Habang isinusulat ang artikulong ito, pasok sa tinatawag na winning circle o magic 12 sa senatorial race sina Senador Tito Sotto at Manny Pacquiao.
Nasa labas naman ng top 15 ang iba pang celebrity na tumakbong senador na sina Isko Moreno, Edu Manzano, Mark Lapid at Alma Moreno.
Si ER Ejercito na tumakbo muling gobernador sa Laguna, nasa pangalawang puwesto sa bilangan. Si Angelica Jones na kandidato sa pagka-bise gobernador ng lalawigan, nasa pangatlo sa bilangan.
Sa Bulacan, nakalalamang sa unang puwesto sa bilangan sa pagka-bise gobernador si Daniel Fernando, habang naging mahigpit na kalaban niya ang kapwa artista na si Philip Salvador na nasa ikalawang puwesto.
Halos nakatitiyak naman si Jolo Revilla na muling mahahalal bilang bise gobernador ng Cavite na nangunguna sa bilangan. Malaki rin ang kalamangan ng kaniyang ina na si Lani Mercado-Revilla, na nangunguna sa bilangan sa pagka-alkalde ng Bacoor City sa Cavite.
Sa Maynila, dikit ang laban nina incumbent mayor Joseph "Erap" Estrada at Alfedo Lim. Nangunguna naman sa bilangan sa pagka-kongresista sa 3rd district ng Maynila si Yul Servo.
Pasok naman sa top 5 ng mga kandidatong konsehal sa 5th district ng Maynila si Robert Ortega. Kandidato rin sa posisyon ito pero nasa labas ng top 10 ang komedyanteng si Jograd dela Torre. Sa 6th district, nasa pang-walong puwesto sa bilang ng pagka-konsehal si Lou Veloso.
Sa Quezon City, tiyak na ang pagkapanalong muli ni Herbert Bautista bilang alkalde. Gayundin si Alfred Vargas na muling tumakbong kongresista sa 5th district. Si Roderick Paulate na kandidato muling konsehal sa 2nd district ay pang-anim sa bilangan. Nasa pang-limang puwesto naman sa bilangan ng pagka-konsehal sa 5th district si Anjo Yllana.
Ang kapatid ni Anjo na si Jomari na kandidatong konsehal sa 1st district ng Paranaque, nasa ika-pitong puwesto sa bilangan. Nangunguna naman dito ang dating singer-actress na si Roselle Nava, at nasa ika-limang puwesto si Vandolp Quizon.
Samantala, nasa pangalawang puwesto naman sa bilangan si Jeremy Marquez na kandidatong vice mayor sa Paranaque.
Sa Makati, nangunguna sa bilangan ng mga kandidatong kongresista sa 1st district ng Makati si Monsour del Rosario. Ang dancer-TV host na si Jhong Hilario, nangunguna sa bilangan ng mga kandidatong konsehal sa 2nd district ng Makati.
Sa Muntinglupa, nasa pangalawang puwesto sa bilangan ng mga boto sa pagka-kongresista si Ronnie Ricketts. Nasa labas naman ng top 10 sa bilangan ng mga kandidatong konsehal sa lungsod sina Allan Paule at Manolet Ripol.
Nasa pangalawang puwesto naman sa bilangan ng mga kandidatong alkalde ng Pateros si Daisy Reyes. Sa Valenzuela City, nasa pangalawang puwesto sa bilangan ng mga kandidatong konsehal si Charee Pineda.
Sa Ormoc City, nangunguna sa bilangan ng mga kandidatong alkalde si Richard Gomez, habang nangunguna rin sa bilangan ng mga kandidatong kongresista sa 4th district ang asawa niyang si Lucy Torres-Gomez.
Muli, ito ay "partial and unofficial" count ng transparency server ng Comelec. -- FRJ, GMA News