ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Baron Geisler appeals for understanding after tiff with filmmaker goes viral


Naging laman ng balita ang aktor na si Baron Geisler nitong nakaraang linggo matapos siyang magalit at manakit ng mga mag-aaral mula sa University of the Philippines dahil sa hindi nila pagkakaunawaan patungkol sa proyektong kabibilangan sana ng aktor

Sa isang Facebook post, inamin ng aktor na hindi niya nagustuhan ang naging takbo ng produksiyon, kaya hindi niya na rin napigilan ang kaniyang galit.

Gayunpaman, hindi niya raw maintindihan kung bakit kailangan pang i-post ang video sa social media dahil nagkaayos naman sila ni Khalil at ng mga kasamahan nito, at kung bakit nagbabalak pa ang grupo na sampahan siya ng kaso.

“I snapped... How I wish na social experiment nga lang ito. No comment muna. Kakausapin ko 'yung manager ko. I will fix things,” aniya sa panayam ng GMA News.

Ayon sa U.P Visual Communication student na si Khalil Verzosa, huli na nang naipadala nila ang script kay Baron para sa editorial design campaign na pagbibidahan sana nito, kaya naman kinailangan nilang gumamit ng idiot board, kung saan nakasulat ang dialogue ng mga aktor upang mabasa nila ito habang nasa harap ng camera.

Mayroon nang halos two million views ang nasabing video.

Nakiusap si Baron na huwag siya basta-batang husgahan dahil mayroong dahilan sa likod ng kaniyang matinding galit.

Aniya sa kaniyang Facebook post nitong Linggo ng gabi, “Ang sama ng mga pangyayari at ang sama ng mga tao minsan. Bigla na lang silang mag ju-judge, ang gusto ko lang naman ay ang magtrabaho. Ako na nga itong tumutulong sa kanila.”

Kuwento pa ng aktor, “Pagod na pagod at hindi nila naiintindihan na call time ako ng 9 a.m. at pack-up ako ng 3 a.m. Limang araw ko nang hiningi ang script dahil kung passionate talaga sila sa ginagawa nila, dapat 2 days before nila ibinigay sakin, hindi 'yung pag dating ko sa set, bibigyan nila ako ng Idiot Board. Doon ang pumitik.”

Naniniwala raw siya sa “vision” ni Khalil at ng grupo nito, kaya siya pumayag maging bahagi ng kanilang proyekto, ngunit hindi niya raw talaga nagustuhan ang naging takbo ng produksiyon.

Hindi rin daw natatakot ang aktor na makasuhan siya dahil wala naman silang pinirmahang kontrata, at hindi sapat na dahilan ang “student film” upang sayangin ang kaniyang oras.

Sa huli, humingi ng tawad si Baron sa co-actors niya na naapektuhan ng kaniyang galit sa grupo ni Khalil, at nagpasalamat rin siya sa mga taon umintindi at sumuporta sa kaniya sa kabila ng naging pahayag ng mga mag-aaral.

Ipinaalam rin ng aktor sa lahat na labis siyang naapektuhan sa naging takbo ng produksiyon dahil kinailangan niyang iwan ang kaniyang ina na may sakit upang mapagbigyan ang hiling ng grupo na bumida siya sa kanilang proyekto.

“Hanggang ngayon masama parin ang aking pakiramdam, lalo na't alam nilang lahat na gagawin ko 'yung proyektong ito na for free, at iniwan ko ang nanay ko na may sakit. Sino ba ang hindi magagalit doon. Sana malinaw na po ang lahat,” aniya. —Bianca Rose Dabu/JST, GMA News

Tags: barongeisler