Ana Capri, nagsampa na ng reklamo kaugnay ng pambabastos sa kaniya sa club
Nagsampa na ng reklamo sa piskalya ng Taguig City ang aktres na si Ana Capri laban sa security manager ng isang kilalang pool club sa lungsod at sa isang hinihinalang Chinese national na nambastos sa kaniya sa loob ng establisimyembro noong Abril.
Sa ulat ng GMA News TV's QRT nitong Martes, sinabi ni Atty. Rudolf Philip Jurado, abogado ni Capri, o Ynfane Avanica sa tunay na buhay, kinasuhan nila ng paglabag sa Presidential Decree 1892 o obstruction of justice laban sa security manager ng club.
Hanggang ngayon, hindi pa raw nakukuha ni Ana ang tunay na pangalan ng naturang dayuhan na nanghipo umano sa kaniyang "likuran" at nanampal sa kaniya.
Inireklamo niya ang dayuhan na pinaniniwalang Chinese bilang "john doe" ng reklamong acts of lasciviousness, physical injury at slander by deed.
Ang reklamo ng aktres bunsod ng insidente nitong nakaraang Abril 3 sa Palace Pool Club sa Bonifacio Global City sa Taguig.
Nagkakarga ng baterya ng cellphone si Ana nang lumapit sa aktres ang isang lalaki.
Hindi man nakita sa surveillance camera ang paghipo umano ng dayuhan sa puwetan ni Ana, makikita naman ang reaksyon na nabigla ang aktres at sinampal nito ang lalaki.
Nagalit naman ang lalaki gumanti ng sampal at dinuro si Ana. Napigilang lumalala ang sitwasyon nang may namagitan sa kanila at inilayo ang dayuhan.
Sa kabila ng pagdulot sa National Bureau of Investigation (NBI), hindi pa rin nakukuha ni Ana ang tunay na pangalan ng dayuhan.
Kasabay ng pagsasampa ng reklamo, nanawagan si Ana kay presumptive presidente Rodrigo Duterte na tulungan siya na makamit ang katarungan sa sinapit sa nasabing establisyimento. -- FRJ, GMA News