ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Jomari Yllana, titigil na kaya sa showbiz ngayong konsehal na rin?


Nadagdagan ang Yllana sa public service matapos manalo ring konsehan sa katatapos na Eleksyon 2016 si Jomari at makasama na sa mundo ng pulitika ang kaniyang mga kapatid na sina Anjo at Ryan.

Sa "Chika Minute" report ni Lhar Santiago sa GMA News 24 Oras nitong Biyernes, nagsama-sama ang Yllana brothers kasama ang kanilang ina at tagasuporta sa isang misa.

Nanalo muling konsehal si Anjo sa Quezon City, habang sa Parañaque naman nanalo sina Ryan at Jomari.

"Kami'y masaya at nagpapasalamat sa lahat po ng sumuporta sa amin at nagpapasalamat kami sa Diyos," ani Jomari.

"Sa pamilya po namin, talagang mapapatunayan namin na sa serbisyo publiko po ang puso namin," sambit naman ni Ryan.

Sa tatlo, si Jomari ang bagito sa pulitika kaya extra effort sina Anjo at Ryan sa pagtulong sa kanya.

"Binigyan namin siya ng pera para lumakas ang loob," natatawang biro ni Anjo. "Importante yung may pondo ka, konti lang naman. Hindi aandar ang kampanya kung walang gasolina. Konting tips sa experience namin and, of course, prayers." anjo

Ulila na sa ama ang Yllana brothers kaya sa kanilang mommy Vicky daw sila humuhugot ng lakas.

Pero kahit nasa public service na sila, hindi pa rin daw nila tatalikuran ang showbiz.

Tuloy pa rin si Anjo sa pagho-host ng "Eat Bulaga," habang naghahanda naman para sa bago niyang soap si Jomari. -- FRJ, GMA News