Ano ang namana ni Baby Zia sa kaniyang Mommy Marian?
Hindi pa rin nagkakasundo ang mga tagahanga at maging ang mga kaibigan nina Kapuso Primetime King and Queen Dingdong Dantes at Marian Rivera sa kung sino ba talaga ang kamukha ng kanilang panganay na anak at unica hija na si Baby Zia.
Maging ang mag-asawa ay mayroong salungat na opinyon tungkol dito, ngunit sigurado raw si Marian na mayroong isang bagay na namana sa kaniya ang kanilang anak.
Aniya sa isang Facebook Live video, “Isa sa mga naman ng anak ko 'yung pagiging cariñosa ko, kasi si Zia ay hindi iyakin. Bubbly siya at maligalig. Kapag nagpupunta kami sa mall tapos may mga nakikita siya, ma-touch siya.”
“Sa akin, kapag uuwi ako galing work, kapag nakikita niya ako at hinaharot ko na siya talagang tuwang-tuwa siya. Isa sa naman niya sa akin 'yung pagiging bungisngisera,” dagdag pa ng Kapuso host-actress.
Dahil sa pagiging masayahin ng kanilang anak, masaya rin daw ang pagsisimula at pagtatapos ng araw ng kanilang buong pamilya.
A photo posted by Dingdong Dantes (@dongdantes) on
Kuwento ni Marian, “Everytime na gigising si Zia, naka-smile na 'yan. Dapat ang bungad mo sa kaniya ay 'Good morning!' Kahit sinong katabi niya, hindi puwedeng hindi siya magpe-pray every morning. Kapag nagdadasal siya, kapag narinig niya ang 'In the name of the Father,' nagsa-smile na siya. 'Yung smile niya, sobrang saya lalo na kapag nakikita niya kaming mag-asawa na nasa tabi niya.”
“Ang pinakamagandang bonding naman namin ay tuwing matutulog kami. Medyo nagkukulitan kami ni Zia at ni Dong at hinding-hindi ko makakalimutan na noong four o five months pa lang siya, nagse-selfie kami at tuwing sinasabi naming 'Smile' ay ngumingiti rin siya,” pahayag pa niya.
Nakatakdang bumida sina Marian at Baby Zia sa kanilang unang commercial, na ipapalabas na ngayong darating na Hunyo. — APG, GMA News