Duterte on Freddie Aguilar: 'That guy is a nationalist'
Kung si Noel Cabangon ang paboritong mang-aawit ni outgoing President Benigno Aquino III, si Freddie Aguilar naman ang mang-aawit na lubos na hinahangaan ni incoming President Rodrigo Duterte. At ang paboritong awitin ng alkalde na nilikha ng legendary Pinoy folk singer, walang iba kung hindi ang "Anak."
Sa pulong balitaan nitong Huwebes ng gabi, inilarawan ni Duterte si Ka Freddie na isang "nationalist" dahil na rin sa tema ng kaniyang mga awitin na tumatalakay sa mga problema ng lipunan at bansa.
Kuwento ni Duterte, unang pagkakataon niyang nakilala si Freddie noong bago pa lang siyang nanunungkulan sa Davao City.
Nang marinig umano niyang umawit si Freddie, humanga na siya rito.
Madalas umano nilang mapag-usapan ng mang-aawit ang tungkol sa mga problema ng bansa.
"He is a singer with social conscience," anang susunod na pangulo ng bansa patungkol kay Freddie.
Si Freddie ang gumawa ng campaign song ni Duterte na "Ipaglalaban Kita," na hango sa isa niyang awitin na "Ipaglalaban Ko," na pinalitan niya ng liriko.
Pero sa lahat ng mga kanta ni Ka Freddie, ang "Anak" umano ang pinakapaborito ni Duterte dahil nakatulong daw ito para magbago siya--kahit konti.
"Nu'ng narinig ko 'yan [Anak] nagtino na ako nang konti," saad ni Duterte. "Alam mo seven years ako sa high school, baka mag-sever years din ako sa college, naloko na."
Idinagdag pa ng bagong pangulo na ang awiting "Anak" ay nagpapaala sa kaniya ng kaniyang kabataan at pagsasakripisyo ng kaniyang mga magulang.
Kakanta sa thanksgiving party?
Tungkol sa nakatakdang thanksgiving party na gaganapin sa Davao City sa Sabado, sinabi ni Duterte na magbibigay lang siya ng mensahe sa mga dadalo at posibleng kumanta ng isang awitin.
"I'm not a singer, I do not dance baka sabihin ng mga taga-Maynila women's abuse 'yan,"biro niya. "Maybe I'll just deliver a few words, or sing one song, "Ikaw,"--I'm really fond of joking."
Inaasahang na aabot sa 100,000 katao ang dadalo sa naturang thanksgiving party at mahigit 600 umano ang magtatanghal.
Dahil inaasahan rin na magkakaroon ng pag-ulan sa naturang araw, pinayuhan ng organizer ang mga magtutungo sa venue na magdala ng panangga sa ulan. Pero hindi papayagan na magdala ng "payong" sa lugar bilang pag-iingat na rin sa seguridad. -- FRJ, GMA News