ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz
WATCH

Boobay, nagbigay ng payo sa mga kapwa 'beki'

 


Isang malungkot na kuwentong pag-ibig ang pinag-usapan at sinubukang masolusyunan sa “Yan Ang Morning” noong Miyerkules.

Kasama nina Kapuso Primetime Queen Marian Rivera at batikang komedyanteng si Boobay ang beteranang aktres na si Tessie Tomas sa pagbibigay ng payo sa maybahay na si Ara.

Aniya, nagsimulang maging lasenggo ang kaniyang mister na si Ron nang mawalan ito ng trabaho, at makalipas ang sandaling panahon ay napag-alaman na lamang niyang nakikipag-relasyon na ito sa kanilang kaibigang bakla na si Chimie para sa perang ibinibigay nito.

Nagbubulag-bulagan na lamang raw si Ara sa tuwing bumabalik sa kanilang bahay si Chimie upang bisitahin si Ron.

Ayon kay Boobay, “Feeling ko, may mga aspeto talaga sa buhay na maging dahilan niyan—dahil sa pera, puwede. May mga kakilala akong mga beki na ganiyan rin, mapagbigay masyado. Give nang give.”

“Pero gusto ko lang sabihin kay Chimie, kaunting respeto naman. Kung makikipag-relasyon ka, huwag naman sa may asawa,” dagdag pa niya.

Pinayuhan niya rin si Ara na makipaghiwalay na sa asawa kung hindi nito kayang respetuhin ang kanilang pagsasama.

“Para naman kay Ara, kung nakikita mong bumabalik-balik pa rin sa bahay si Chimie para kay Ron, buksan mo ang mata mo. Huwag kang mag-expect na magiging okay lang dahil oinababayaan mong na ganiyan at wala kang ginagawa. Always remember, expectation is the root of all depression,” aniya.

Dagdag pa ng Kapuso comedienne, “Hiwalayan mo na si Ron kung nakikita mong ganoon ang nangyayari. Wala na siyang respeto sa'yo.”

Sang-ayon naman rito si Tessie, na sinabing, “Love and respect should always be there, and set your boundaries. Alam mong hanggang dito lang ako, at kapag lumampas ka na sa bakod ko, hahatawin na kita nitong bakod.”

Para naman kay Marian, may trabaho man o wala, dapat lamang na maging mabuting asawa at magulang ang sinomang mag-desisyong bumuo ng isang pamilya.

Paliwanag ng Kapuso Primetime Queen, “Minsan, may mga pagkakataon talagang ang babae ang nagta-trabaho at lalaki ang nasa bahay. Pero hindi iyon ang basehan para mabawasan ang pagkalalaki ninyo. Maging mabuti kayong asawa at ama—alagaan niyo ang anak ninyo, magsaing kayo, maglinis, maglaba.”

“Hindi tamang dahil wala kang trabaho, magre-rebelde ka at lolokohin mo ang asawa mo. Maawa naman kayo sa asawa ninyo,” pagtatapos niya. — APG, GMA News

Tags: boobay, gay