ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz
LOOK

Ryza Cenon's favorite painting, and the artwork inspired by Chariz Solomon  


 

Ryza shows her favorite painting, "Heroic Face of Innocence". Photo by BIANCA ROSE DABU, GMA News
Ryza shows her favorite painting, "Heroic Face of Innocence". Photo by BIANCA ROSE DABU, GMA News

Masayang pinangunahan ng Kapuso actress Ryza Cenon ang pagbubukas ng "Independencia: Ang Panimula," ang kaniyang kauna-unahang art exhibit sa Chef Laudico Guevarra's restaurant sa San Juan City.

Simula noong nakaraang taon, ginamit na raw ni Ryza ang pagpipinta bilang "outlet" ng kaniyang emosyon.

Aniya sa panayam ng GMA News Online, "Naghanap lang ako ng outlet to cope with my problems. Kung ano 'yung nararamdaman ko, 'yun ang lumalabas sa paintings ko."

"Hindi ko talaga intention na bumuo ng exhibit. Pino-post ko lang sa Facebook, and then napansin nga ng Guevarra's. With the help of Artist Center, na-encourage akong mag-exhibit," dagdag pa niya.

 

The painting on the left is inspired by celebrity mom Chariz Solomon. Photo by BIANCA ROSE DABU, GMA News
The painting on the left is inspired by celebrity mom Chariz Solomon. Photo by BIANCA ROSE DABU, GMA News

Karamihan ng mga obra ng aktres ay abstract paintings gamit ang iba't ibang medium, tulad na lamang watercolor, oil, at acrylic paint.

Isa sa mga pinakapaborito niya umano ang obrang tinawag niyang "Heroic Face of Innocence," na ipininta niya bilang paggunita sa sakripisyo ng mga sundalo sa Mindanao.

Gayunpaman, hindi raw inaasahan ni Ryza na mayroon pang ibang imaheng lalabas sa kaniyang painting.

Kuwento niya, "Ang inspiration niyan ay 'yung mga sundalo sa Mindanao na nagtatago, 'yung mga takot o napilitang lumaban."

"My initial and only intention is to show soldiers hiding. Pero noong lumayo na ako sa canvas, nakita ko 'yung face ni God. Kaya siya favorite ko kasi feeling ko, habang ginagawa ko ito, kasama ko si God kaya ko siya na-paint. He's my soldier," paliwanag pa ni Ryza.

Bukod sa mga emosyon na nais niyang ilabas, nagiging paksa rin ng kaniyang mga obra ang mga nakikita niya sa kaniyang paligid.

Mayroon siyang painting na hango sa mga pelikulang "Book of Life" at "Inside Out," at mayroon din siyang ginawang obra na ang inspirasyon ay ang kaniyang kapwa-aktres na si Chariz Solomon.

Ayon kay Ryza, kasama niya sa taping ang "Bubble Gang" star nang ma-inspire siya nito.

"'Yung breastfeeding painting ko, naging inspiration ko si Chariz Solomon. One time kasi, sa taping namin, nagpa-pump siya ng milk. So naisip kong gawing subject ng painting ang breastfeeding," kuwento niya.

Dahil gumagaan ang kaniyang pakiramdam sa tuwing nakakagawa ng bagong obra, nagpapaalam pa raw si Ryza mula sa taping upang makapag-pinta.

"Kaysa maghintay, o mag-text at social media, she just uses her time to paint," ayon sa producer na si Vic del Rosario, na malapit sa dalaga at isa sa mga nagtulak sa kaniya upang buksan ang exhibit sa publiko.

Umabot na sa halos 50 ang painting na nagawa ni Ryza mula noong nakaraang taon, at balak niyang magkaroon ng isa pang art exhibit sa 2017.

Sa ngayon, makikita ang mga obra ng Kapuso actress sa Chef Laudico Guevarra's restaurant sa San Juan City hanggang sa susunod na buwan.

Maaari ring bilhin ang mga obra ng dalaga, at bahagi ng malilikom na pera ay mapupunta sa Kapuso Foundation. — APG, GMA News

Tags: ryzacenon, art