Filtered By: Showbiz
Showbiz

Mark Herras wants to marry girlfriend Wyn Marquez


Kitang-kita sa kanilang posts sa social media ang pagmamahalan ng Kapuso artists na sina Mark Herras at Wyn Marquez.

Matapos na tatlong beses tanggihan ng aktres ang panliligaw ni Mark, masayang ibinalita ng Kapuso actor-dancer noong nakaraang taon nang makamit niya ang matamis na "oo" ng dalaga.

Sa ginanap na press conference ng kaniyang pagbibidahang serye na "Sa Piling Ni Nanay" nitong Martes, ibinahagi ni Mark na, “Hindi ako sumuko. Kasi, once na manligaw ka sa isang tao and then binasted ka for the first time, tapos sumuko ka, parang sinasabi mo na hindi ka talaga karapat-dapat sagutin ng tao.”

“So, if you really like the person, if you are really sure na gusto mo siyang maging karelasyon at makabuo ng future together, bakit ka naman sumuko basta-basta? Ako naman talaga, naniniwala ako na magkakaroon ako ng chance kay Wyn. Kasi siyempre, kung gusto mo talaga yung tao, hindi mo naman pababayaan,” dagdag pa niya.

Magandang impluwensiya raw sa kaniya si Wyn, lalo na sa mga malalaking desisyon sa buhay tulad ng pag-aaral, pag-iipon, pagnenegosyo at marami pang iba.

Kamakailan lang, opisyal nang binuksan ang maliit na negosyo ng magkasintahan na “Wicked Carnival,” isang food stall business na nag-iikot sa iba't ibang paaralan sa Metro Manila.

Ayon kay Mark, “Si Wyn ang nagpu-push sa akin, lalo na sa mga mas magagandang bagay na puwedeng gawin. Siya ang tumutulong sa akin. Mas pinu-push niya ako to do the things na kailangan ko sa buhay.”

“Marami akong plano this year na nagagawa ko talaga. Hindi lang puro plano, hindi lang puro salita. May nangyayari talaga,” kuwento pa ng Kapuso actor.

Nais raw patunayan ni Mark sa lahat na karapat-dapat siya bilang partner ni Wyn, na gumawa na ng marka hindi lamang sa showbiz, kung hindi maging sa beauty pageant, at kasalukuyan ring business owner at post-graduate student.

Paliwanag ng aktor, “Marami akong inayos sa buhay ko, for Wyn and also, magti-thirty na ako this year. Ayoko namang may masabi 'yung mga tao. Kapag tinignan niyo kasi si Wyn, matalino, nakapagtapos, ngayon ay nagma-Masters pa. Tapos may business rin. She's almost perfect. Ayokong masabi ng mga tao na hindi ako karapat-dapat kay Wyn,” dagdag pa niya.

 

 

Married in two years

Nais raw ni Mark na pakasalan na ang 24-year-old Kapuso host-actress dalawang taon mula ngayon.

Inamin niyang napag-uusapan nila ito, at nagsisimula na umano siyang mag-ipon para sa kanilang kasal at sa magiging buhay nila bilang mag-asawa.

Aniya, “Siya na yung last. Mark my words. Magalit kayo sa akin kapag hindi. Basta ako, sure na ako sa kaniya.”

“Gusto ko na siyang pakasalan after two years. Wala pang date, nag-iipon pa ako. Peor pinag-uusapan namin. We want to get married after two years. Pagdating ng panahon na 'yun at makita niyang kaya ko siyang buhayin, naniniwala akong makukuha ko ang kaniyang 'Yes,'” dagdag pa niya.

Nakilala at nakausap na raw ni Mark ang mga magulang ni Wyn na sina Joey Marquez at Alma Moreno, at nakakasama pa umano siya sa family bondings nila.

Dagdag pa ng aktor, hindi rin naging problema sa kanilang magkasintahan ang kaniyang anak at unica hija na si Ada. Sa katunayan, isa pa nga si Wyn sa mga ninang ng bata.

“I'm happy that everything is going well. After all these years, may someone talaga na nakahanda sa akin,” aniya.

Nakatakdang bumida ngayon si Mark sa upcoming GMA Afternoon Prime series na “Sa Piling Ni Nanay,” at sa romantic-comedy Kapuso series na “Conan, My Beautician.”

Kabilang sa mga bibida sa “Sa Piling Ni Nanay,” na ipapalabas na ngayong June 27, sina Yasmien Kurdi, Katrina Halili, Antonio Aquitania, Nova Villa, at Bettinna Carlos, habang makakatambal naman ni Mark sa “Conan, My Beautician” ang Kapuso actress at Miss World 2013 na si Megan Young. -- FRJ, GMA News