ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz
Ukol sa marital problem

Mag-asawang Sunshine Dizon at Timothy Tan, nagbigay ng kani-kanilang pahayag


Wala umanong balak si Sunshine Dizon na iurong ang reklamong inihain niya sa kaniyang mister na si Timothy Tan kaugnay sa kinakaharap na problema sa kanilang pagsasama. Si Timothy, handa naman daw na sagutin ang reklamo.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing naghain na ng reklamong paglabag sa Republic Act 9262 o Anti-violence Against Women and their Children Act of 2004 si Sunshine laban kay Timothy.

Bago nito, magugunitang sa magkakasunod na post ni Sunshine sa kanyang Instagram account, may mga pahiwatig siya na may pinagdadaanang problema ang kanilang pagsasama na mag-asawa.

Ayon sa abogado ng aktres na si Atty. Claire Castro, matibay ang ebidensya nila ukol sa pambababae umano at banta ng pananakit ni Timothy kay Sunshine.

Sa kanyang affidavit, sinabi ni Sunshine na mula nitong January, hindi na umuuwi sa kanilang bahay ang kanyang mister.

Napag-alaman din daw ni Sunshine na itinira umano ni Timothy ang kinakasama nito sa parehong condominium building kung saan sila nakatira ng kanyang mga anak.

Dahil daw dito, nais din daw ng aktres na maghain ng reklamong concubinage laban kay Timothy at sa kinakasama nito.

Sa pahayag na ipinadala ni Timothy sa GMA News nitong Lunes, kinumpirma niya na hiwalay na sila ni Sunshine at hihingin niya na mapawang-bisa ang kanilang kasal.

Sa hiwalay na pahayag naman ni Sunshine sa GMA News, sinabi ng aktres na hindi raw madali ang pinagdadaanan niya at kanyang mga anak.

Sinusubukan daw niya na kayanin ang lahat at gawing pribado ang pinagdadaanan nila. Pero mahirap daw ito sa kaniyang sitwasyon bilang isang artista.

Gayunman, sinabi ng aktres na hindi tama na manahimik na lang siya.

Tinitiyak din ni Sunshine na tatapusin niya ang sinimulang legal battle.

Nang makausap ng GMA News sa telepono ang kampo ni Timothy, sinabi nila na hindi na nila ikinagulat ang pagsasampa ng reklamo ni Sunshine.

Pero hudyat na raw ito na masasagot ni Timothy sa wastong forum ang mga reklamong inihain at ihahain ni Sunshine. -- FRJ, GMA News