'Cassiopeia' na si Solenn Heussaff, binigyan ng birthday surprise sa set ng 'Encantadia'
Nagdiwang ng kaniyang kaarawan sa gitna ng taping ng "Encantadia" ang "Cassiopeia" ng hit primetime fantaserye na si Solenn Heussaff.
Sa "Chika Minute" report ng GMA News 24 Oras nitong Huwebes, kumpleto sa kaniyang costume at may dala pang sandata si Solenn nang sorpresahin siya ng staff ng programa na may bitbit na birthday cake.
Ang palaban na Cassiopeia, napasayaw naman nang kantahan na siya para sa kaniyang kaarawan.
Labis ang pasasalamat ni Solenn sa natanggap na sorpresa mula sa kaniyang mga katrabaho.
Samantala, kilalanin naman ang pinakamalaki at pinakamatinding kontrabida ng "Encantadia" na si "Hagorn," na ginagampanan ni John Arcilla.
Si Hagorn ay prinsipe ng kaharian ng Hathoria, na kalaunan ay magiging hari.
Kilala si Hagorn bilang malupit at mapaghiganting lider.
Uhaw siya sa kapangyarihan at nais na sakupin ang lahat ng kaharian ng "Encantadia."
Gagawin niya ang lahat para mapunta sa kaniyang mga akamay ang apat na brilyante.
Pero may malalim din siyang pinaghuhugutan dahil sa pagkasawi niya sa pag-ibig nang tanggihan ni Ynang Reyna Minea ang kanyang pagsuyo. -- FRJ, GMA News