DJ Sak Noel na nasa likod ng 'Trumpets' dance song, nasa bansa na
Dumating na sa bansa nitong Huwebes ng hapon ang DJ at music producer na si Sak Noel na siyang nasa likod ng sikat at viral na dance song na "Trumpets."
Sa video na ini-upload sa Facebook account ng "Eat Bulaga," ang mga "That's My Bae" ng noontime show ang sumalubong kay Sak sa Ninoy Aquino International Airport.
"Let's have fun," masayang pahayag ni Sak na nakatakdang mag-guest sa "Eat Bulaga" sa darating na Sabado para sa grand finals ng "Trumpets Dance" contest.
Kasunod ng pagsikat ng “Trumpets” dance challenge sa social media, nagpost si Sak noong nakaraang buwan ng tila hamon na phenomenal AlDub love team na sina Maine Mendoza at Alden Richards na sayawin rin ang viral sensation.
Hindi naman nagdalawang-isip ang dalawa, at inimbita pa ang sikat na DJ mula sa Spain upang magpasaya ng Dabarkads sa “Eat Bulaga!”
Tinanggap naman ni DJ Sak ang hamon, at tila ipinahiwatig na pupunta siya sa Pilipinas. -- FRJ, GMA News