'Descendants Of The Sun,' tatalakay sa pag-iibigan ng sundalo at duktora
Mapapanood na sa Kapuso Network sa susunod na linggo ang phenomenal Korean drama na "Descendants Of The Sun," na tatalakay sa pag-iibigan ng isang sundalo at isang duktora.
Sa naturang serye, gumaganap bilang isang sundalo si Song Joong Ki, habang duktor naman ang ginagampanan ni Soong Hye Kyo.
Ayon sa mga opisyal ng Korea Cultural Centre Philippines, bukod sa comeback show ni Song Joong Ki, inabangan ng husto ang "Descendents Of The Sun" dahil nakaka-relate raw sila kung paano mamuhay ang mga sundalo lalo na't obligasyon sa kanila na manilbihan sa militar sa loob ng dalawang taon.
Dapat daw na maghanda na ma-inlove at maiyak sa "Descendents Of The Sun," at maging mga Pinoy na mahilig sa love story ay tiyak daw na makaka-relate daw sa istorya nito.
Bukod sa Korea, mabibighani rin sa mga magagandang location ng Korean drama na kinunan pa sa mga bansang tulad ng Greece at Turkey.
Hindi rin dapat palampasin ay ang mga nakakakilig na dialogue nina Song Joong Ki at Song Hye Kyo.
Mapapanood ang tagalized version ng "Descendants Of The Sun" sa Kapuso Network simula sa Lunes, July 25. -- FRJ, GMA News