Alamin kung bakit pinili ni Kobe Paras na maglaro sa 'Creighton Bluejays'
Ipinaliwanag ni Kobe Paras sa isang panayam ng GMA News kung bakit pinili niyang maglaro sa Creighton University Bluejays sa Omaha, Nebraska.
Sa ulat ng GMA News Unang Balita nitong Biyernes, sinabi ni Kobe na naniniwala siya na mas magiging maganda ang paghubog sa kaniya sa pagsali niya sa big east team ng Creighton University.
Paliwanag ni Kobe, naging parang pamilya ang pag-alok sa kaniya ng mga coach at mga player na maglaro sa naturang team.
Gusto raw niya na parang kapatid ang turingan ng kaniyang teammates, at nakakausap na parang mga magulang kaniyang mga coach.
Sa Bluejays naglaro noon ang ilang NBA stars ngayon tulad ni Kyle Korver ng Atlanta Hawks.
Binanggit din ni Kobe na malaki ang paniniwala niya na magiging mahusay na manlalaro ang 13-year-old at 6'9 na basketball sensation na si Kai Sotto.
Sana raw ay magkaroon ng pagkakataon si Sotto na makapagsanay sa kanyang dating high school coach at mentor na si coach William Middlebrooks. -- FRJ, GMA News