Hula kay AiAi na kasal kay Gerald, magkatotoo kaya?
Magkatotoo kaya ang hula kay AiAi Delas Alas ng isang manghuhula sa Quiapo na ikakasal siya sa kaniyang mas batang nobyo ngayong kinilala na ng korte sa Pilipinas ang diborsyo niya sa dating asawa?
Sa ulat ng GMA News 24 Oras nitong Miyerkules ng gabi, sinabi ng Kapuso Comedy Queen na si AiAi na aprubado na ng korte sa Quezon City ang pagpapawalang-bisa sa naging kasal nila ni Jed Galang sa Amerika noong 2013.
Bagaman nauna nang naaprubahan sa US ang divorce nila ni Jed, kinailangan paaprubahan din ito sa Pilipinas dahil wala pang batas na diborsiyo sa bansa.
Katunayan, kamakailan ay muling inihain ng Gabriela party-list group sa Kamara de Representantes ang panukalang batas na magkaroon na rin ng diborsyo sa Pilipinas.
READ: Gabriela refiles divorce bill
Ayon kay AiAi, nito lang nagdaang Hulyo kinilala ng korte sa Quezon City ang diborsyo niya kay Jed at pinapayagan na siyang magpakasal muli.
Dahil dito, may pagkakataon na muli siyang pakasalan ang lalaking nais niyang makasama ng habambuhay.
"It's another chance to remarry and another chance na kumbaga malinis at klaro na single kayo rito sa Pilipinas," paliwanag niya.
Bagaman single na muli, nilinaw ni AiAi na "taken" na siya dahil sa nobyo niyang si Gerald Sibayan.
Sa nakaraang episode ng 'Yan Ang Morning!", nagpahula sina Marian Rivera at AiAi sa Quiapo, Maynila, at isa sa mga hinulaan sa singer-comedienne ay ang love life nito.
“Ang iyong love life, naroroon ang kaligayahan. Pangatlong pag-ibig 'yan, at ikakasal kayo. Siya ang nagmamahal sa'yo kaysa minamahal mo siya,” ayon sa manghuhulang si Betty Mayo.
Dagdag pa ni Aling Betty “Ikaw kasi, hindi ka naniniwala sa kaniya. Iniisip mo, niloloko ka niya. Hindi! Kaya minsan, nagagalit rin siya sa'yo kasi hindi ka marunong magbigay ng tiwala. Hindi siya nag-aalinlangan at nasa isip niya ang pagpapakasal.” -- FRJ, GMA News