'Pagaspas' ng Mulawin, tiyak na ang paglipad sa kaharian ng 'Encantadia'
Pagkaraan ng 12 taon, muling masisilayan ang paglipad ni Pagaspas na minahal ng mga manonood sa dating fantaseryeng "Mulawin." Pero ang batang Pagaspas noon, binata na ngayon sa kaniyang pagdayo sa kaharian ng "Encantadia."
Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa "24 Oras," kinumpirma na ang paglabas ni Pagaspas sa "Encantadia," na muling gagampanan ni Kapuso teen actor Miguel Tanfelix.
Taong 2004 nang lumipad sa GMA telefantasya na "Mulawin" ang cute na batang ibon na si Pagaspas kasama ang kanyang partner na si Lawiswis.
Matatandaan na si Pagaspas ang alagang kwago ni Alwina na nagiging tao kapag nakakatabi ang kapwa kwago na si Lawiswis.
Limang-taong-gulang pa lang noon ang "Starstruck Kids" finalist na si Miguel, nang gampanan niya ang role na Pagaspas.
Ayon kay Miguel, nag-flashback sa kaniya ang lahat bilang si Pagaspas nang malaman niyang siya muli ang gaganap sa role para sa "Encantadia."
Ipinasilip din ang bagong karakter na tiyak na aabangan din sa lalo pang tumitinding mga eksena sa "Encantadia."
Dapat daw abangan kung ano ang espesyal na misyon ni Pagaspas sa mundo ng mga diwata ng "Encantadia."
Maging patikim din kaya ito sa muling pagbabalik ng Mulawin? -- FRJ, GMA News