Kim Domingo, walang balak na patulan ang mga 'indecent proposal'
Aminado si Kim Domingo na patuloy siyang nakatatanggap ng mga "indecent proposal" ngayong nasa showbiz na siya at nalilinya pa sa pagiging sexy star. Pero giit ng Kapuso Pantasya ng Bayan, "deadma" lang o hindi niya pinapansin ang mga ganitong alok.
Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras," inihayag ni Kim ang kasiyahan sa magandang takbo ng kaniyang showbiz career.
Pero hindi rin daw maiaalis na maapektuhan ang kaniyang imahe at pagtingin sa kaniya ng iba tao dahil sa kaniyang sexy image, lalo pa't tinatawag siyang bagong pantasya ng bayan.
Nakatatanggap nga daw siya ng mga indecent proposal na hindi niya pinapatulan.
"Nu'ng nag-modelling ako, meron na niyan, tapos lalo pa ngayon na siyempre nagsu-showbiz na," ani Kim. "Deadma na lang dahil siyempre hindi naman ako ganu'ng klase ng ano... mas gusto ko pa rin pinaghihirapan ko 'yung lahat ng bagay na nakukuha ko."
Maliban sa kaniyang career, maganda rin daw ang takbo ng kaniyang personal na buhay at maayos din ang relasyon nila ng kanyang non-showbiz boyfriend.
Itinanggi ni Kim ang balitang binawalan siya ng boyfriend na mag-post ng mga larawan nilang magkasama sa social media.
"Pareho naming gusto tito na ganu'n na lang muna para... kasi ako nasasaktan din ako kapag nakakabasa ko ng comment, negative comments about sa kanya," paliwanag niya.
Nalulungkot naman si Kim sa pagtatapos ng kinabibilangan niyang primetime series na "Juan Happy Love Story" kung saan siya nabigyan ng malaking break.
May plano na rin siyang gagawin habang hindi pa nagsisimula ng bago niyang proyekto.
"Workshop muna tito para mas mag-improve 'yung acting ko halimbawa man na bigyan ng pagkakataon na mabigyan ng break talaga, so at least, ready ako," saad niya. -- FRJ, GMA News