Regine, excited at kinakabahan sa pagbabakasyon sa Pilipinas ng eldest daughter ni Ogie
Nasasabik na raw ang Kapuso actress at Asia's Songbird na si Regine Velasquez sa mahabang bakasyon sa Pilipinas ni Leila Alcasid, ang panganay na anak ng kaniyang asawang si Ogie Alcasid at ni Michelle Van Eimeren.
Anim na buwan matapos nitong magsimula sa kolehiyo sa Australia, nakatakdang magpunta sa Pilipinas si Leila at sandaling manirahan sa bahay nina Ogie at Regine.
“I'm very excited kasi may relationship na kami. The last two trips nila, talagang nakapag-bonding kaming dalawa. Gustong-gusto ko siya kasi ang ganda-ganda niya at ang bait-bait niya,” kuwento ni Regine sa isang press conference nitong Miyerkules.
Dagdag pa niya, “Excited ako, but at the same time, kinakabahan ako. Nagwo-worry din ako kay Michelle because I know it's hard. We know that it's her life, 'yung family niya, and then suddenly, nag-college (si Leila) tapos pupunta dito for a year.”
Maliban sa pagbabakasyon, nais rin daw ni Michelle na magkaroon ng pagkakataong makapag-bonding sina Leila at Ogie, na nagkikita lamang tuwing nagbabakasyon ang pamilya ng Australian beauty queen sa bansa.
Miss na rin daw ni Leila si Nate, ang four-year-old son ng mag-asawang Ogie at Regine.
Ayon sa Asia's Songbird, “Concerned lang kami kay Michelle, pero okay lang naman sa kaniya. Sabi niya, 'I think Leila needs to be with her father. She needs to bond with him again.' They see each other, but not like every day.”
“She also wants so much to have a relationship with her brother. Nalulungkot siya na baka makalimutan siya ni Nate. Baka she'll come back here and he won't know who she was,” kuwento pa ni Regine.
Sa susunod na taon na raw lilipad papuntang Pilipinas si Leila, ngunit hindi pa malinaw kay Regine kung ano ang gagawin niya sa loob ng isang taon niyang pamamalagi sa bansa.
Maaari kayang pumasok rin sa showbiz ang panganay na anak nina Ogie at Michelle?
Sagot ng Kapuso singer-actress, “Ayoko siyang mag-showbiz. Mag-bakasyon na lang siya. Humila-hilata siya, o mag-school. Natatakot ako na magso-showbiz siya—teritoryo namin itong mag-asawa, and yet we might not be able to protect her because it's so different now.”
“I was telling my husband na as much as possible, let her enjoy her private life because our world is really different. Kaya kung ako ang tatanungin mo, ayoko talaga. Pero it's really up to her,” pagtatapos ni Regine. —JST, GMA News