Epy Quizon, inilahad ang katangian ng amang si Dolphy na 'di niya nagaya
Apat na taon mula nang pumanaw ang tinaguriang King of Comedy na si Dolphy, nananatiling sariwa pa rin sa maraming Pinoy ang mga alaalang iniwan niya sa industriya ng showbiz.
At dahil si Dolphy ang kinikilalang "King of Comedy," may mga nagtatanong kung sino kaya ang posibleng humalili sa kaniyang trono?
Isa sa mga nakikitang posibleng sumunod sa yapak ni Dolphy ang kaniya mismong anak na si Epy Quizon, na maliban sa kahawig niya ay kilala ring versatile actor na mahusay din sa comedy at drama.
Pero para kay Epy, wala nang makasusunod sa yapak ng kaniyang ama.
“There will be no other Dolphy. Para sabihing ako ang susunod, ang kapal naman ng mukha ko. It's too big a shoe to fill. Sixty-seven years of him having about 400 films to his title, he made the nation laugh, he made an impact when he died—you just felt it with the Filipino people. Ang tigas naman ng mukha ko kung sasabihin kong I will be the next Dolphy,” paliwanag ni Epy sa dinaluhang press conference nitong Martes.
"There will be the next Michael V., the next Vic Sotto, the next Epy, but there will be no other Dolphy,” patungkol niya sa iba pang hinahangaang komedyante ngayon sa bansa.
Kung may nakapapansin man na tila kapareho ng pag-arte niya si Dolphy, sinabi ni Epy na ang kaniyang ama kasi ang nagsilbi niyang mentor sa showbiz.
“Pinapanood ko siya. 'Yung craft ko, 99 percent ay nanggaling sa kaniya. Mga one percent lang ang pinag-aralan ko at natutuhan ko. Kaya siguro lumalabas na pareho ang aming facial expressions at timing—although I never got his timing. He has an impeccable timing—ay dahil 99% ng expressions at timing ko ay sa kaniya nanggaling,” paliwanag ni Epy.
“What I don't have, ang hindi ko natutuhan at hindi ko na matututuhan, ay 'yung karisma niya. Iba ang karisma niya sa tao. Iba ang Dolphy. Mahirap talagang tumbasan,” ayon pa sa aktor.
Kabilang si Epy sa mga bibida sa TV adaptation ng “Oh My Mama!” na magsisimulang mapanood sa darating na Lunes, September 19. Kabilang dito sina Inah de Belen, Jake Vargas, Jeric Gonzales, Gladys Reyes, Epi Quizon, Ryan Eigenmann, Yul Servo, Francine Prieto, Arthur Solinap, Eunice Lagusad, Ash Ortega, Jenny Miller, at ang child stars na sina Therese Malvar, Jhiz Deocareza, Bryce Eusebio, Sofia Pablo, at David Remo. -- FRJ, GMA News