ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Jak Roberto is first 'third wheel' to Miguel Tanfelix-Bianca Umali love team


Limang taon mula nang mabuo ang "BiGuel" love team ng Kapuso teen stars na sina Miguel Tanfelix at Bianca Umali, ngayon pa lang magkakaroon ka-love triangle sa kanilang tambalan sa bagong Kapuso program na “Usapang Real Love."

Sa episode na “Dream Date,” ang unang mini-series ng kauna-unahang interactive rom-com series na “Usapang Real Love,” papagitna sa BiGuel ang Kapuso hunk actor na si Jak Roberto.

Ayon kay Jak, isang malaking karangalan ang maging kauna-unahang “third wheel” sa pinakamatibay na Kapuso love team.

“Napakalaking bagay sa akin na maging third wheel ng BiGuel. Alam natin na marami silang fans, at sobrang professional nilang ka-trabaho. Isang karangalan ang maka-trabaho sila,” saad ng aktor sa ginanap na press conference nitong Miyerkules.

Dagdag pa niya, “Hindi ko in-expect na magkakaroon ako ng chance na maging third wheel nila. Noong na-partner ako sa kanila, sobrang professional nila. Ang bilis naming natapos.”

Handa na ba si Jak sa mga komentong matatanggap niya mula sa mga tagahanga ng love team?

“Naiintindihan ko sila. Naging fan din naman ako, at talaga kapag may sinusuportahan ka na artista, ipaglalaban mo talaga,” dagdag ni Jak, na napapanood din sa “Dear Uge” at “Bubble Gang.”


Ayon sa direktor ng “Dream Date” na si Real Florido, isang hamon ang bumuo ng love triangle kasama sina Miguel at Bianca dahil sa loob ng ilang taon nilang pagtatambal sa telebisyon, mahirap nang pantayan ang kanilang chemistry, na dulot na rin ng maganda nilang relasyon maging sa likod ng camera.

“Challenging in a way kasi 'yung BiGuel as a duo, hindi pa nila ito ginagawa. Ini-introduce mo 'yung isang established na love team to open up to something that's happening in reality. Sa totoong buhay, challenge talaga sa nagmamahalan 'yung may ibang taong nakikilala at pumapasok sa buhay nila,” paliwanag ni Direk Real.

Paano nga ba naging matagumpay ang BiGuel sa kanilang unang on-screen love triangle?

“Pinapa-imagine ko lang sa kanila na what if kung ganoon ang mangyari sa kanila. Ang cute naman ng lumabas. Bagay na bagay sa takbo ng love stories ng mga kabataan ngayon. Ang galing nilang tatlo,” aniya.

Mapapanood na ang “Usapang Real Love: Dream Date” sa darating na Linggo, September 25.

Kasama rin sa mini-series na ito sina Yayo Aguila, Lloyd Samaritano, Jade Lopez, Ces Quesada, at Gene Padilla. -- FRJ, GMA News