Jak Roberto open to more daring roles
Sa ganda ng hitsura at pangangatawan, isa ang Kapuso actor na si Jak Roberto sa mga iniidolong hunk at heartthrob sa industriya ng showbiz.
Maliban sa kaniyang pagbida sa “Dear Uge” at “Bubble Gang,” nakatakda ring gumanap si Jak sa kauna-unahang interactive romantic-comedy series na “Usapang Real Love,” na pagbibidahan rin nina Bianca Umali at Miguel Tanfelix.
Bukod sa kaniyang hitsura, hinahangaan din ng marami ang kaniyang magandang pangangatawan, na madalas niyang ipakita sa telebisyon.
Handa na ba siyang sumabak sa mas daring role sa hinaharap?
“Wala akong arte sa roles. Basta maganda ang istorya at kalalabasan ng kabuuan ng film,” aniya sa panayam ng GMA News.
Umaasa si Jak na matapos ang ilang taon niya sa showbiz, mabibigyan na siya ng pagkakataong maging leading man sa teleserye o pelikula.
“I'm very hungry for a break bilang...sana, bida. Gustong-gusto ko nang maipakita ang talento ko sa pag-arte. Ang tagal ko nang hinihintay, at gusto ko na talagang masubok ang acting skills ko. Sana mabigyan na ako ng chance na magbida.”
On sister “Danaya” Sanya Lopez
Pareho nang nasa showbiz si Jak at ang kaniyang nakababatang kapatid na si Sanya Lopez, na gumaganap ngayon bilang Danaya sa remake at retelling ng hit Kapuso fantasy series na “Encantadia.”
Nagkakaroon ba ng inggitan ang magkapatid pagdating sa kanilang showbiz projects?
Sagot ng Kapuso actor, “Sobrang happy kami for each other. Parehas kaming nabibigyan ng work this year. I'm proud bilang kuya niya. Pero sa bahay, ganoon pa rin kami, normal na magkapatid.”
“Nauutusan ko pa rin siyang maghugas ng pinggan,” biro pa niya.
Tulad ng kaniyang kapatid, aktibo rin ngayon si Jak sa physical activities upang mapanatili ang kaniyang magandang pangangatawan.
Maliban sa pagpunta sa gym, mayroon rin daw strict diet ang aktor.
“Exercise is 30% at 70% sa diet. Kailangan discipline sa pagkain. No rice ako ngayon. In the gym, I do leg raise, rollers, crunches. I also do muay thai and boxing,” aniya.
Mapapanood na si Jak sa “Usapang Real Love: Dream Date” simula ngayong Linggo, September 25. -- FRJ, GMA News