ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Anak, mga kapatid,  nagpahayag ng suporta kay Mark Anthony Fernandez


Nagpaabot ng mensahe ang anak ni Mark Anthony Fernandez sa harap ng problemang pinagdadaanan ng aktor matapos mahulihan umano ng isang kilo ng marijuana sa Pampanga.

Sa tweet ng teen actor na si Grae Fernandez, sinabi nito na nananatili siyang proud sa ama anuman ang sabihin umano ng ibang tao.

Para kay Grae, best dad ang amang si Mark Anthony.

Isang lumang litrato naman kasama ang ipinost nina Rap at Renz na half brothers ni Mark Anthony sa namayapang ama nila na si Rudy Fernandez.

Sina Rap at Renz ay anak ni Ruby sa aktres na si Lorna Tolentino.

Anak naman ni Rudy sa aktres na si Alma Moreno si Mark Anthony.

Hindi pa umano nakadadalaw si Alma kay Mark Anthony dahil sumama ang pakiramdam ng aktres nang malaman ang nangyari sa anak.

Sa ngayon, nananatiling nakadetine si Mark Anthony sa station 6 na Angeles City police sa Pampanga dahil sa kinakaharap na mga reklamo.

Sa ibang panayam, ipinaliwanag ni Mark Anthony na gumagamit siya ng marijuana dahil sa pangamba niyang magkaroon ng cancer na ikinamatay ng kaniyang amang si Rudy.

Iginiit din ng aktor na hindi sa kaniya ang isang kilo ng marijuana na nakita sa kaniyang kotse.

Pero itinanggi ng mga pulis ang alegasyon ni Mark Anthony. -- FRJ, GMA News