Glaiza, Solenn, Rocco head to UAE for GMA Pinoy TV shows
Lilipad patungong Middle East ang “Encantadia” stars na sina Glaiza de Castro, Solenn Heussaff, at Rocco Nacino para sa mga pagtatanghal ng GMA Pinoy TV sa United Arab Emirates.
Kabilang sa mga pupuntahan nila para sa “Avisala UAE!” shows sa darating na Biyernes at Sabado ang Abu Dhabi at Dubai.
“Mayroon kaming fan meeting so definitely makaka-bonding namin sila, may picture taking,” ayon kay Glaiza, na nagbibigay-buhay kay Sang'gre Pirena.
Dagdag naman ni Solenn, na gumaganap bilang Cassiopea, “Ito 'yung may elementary school visit din. Iba-ibang klase—may lalaki, babae, mga bata.”
Lalo raw ginaganahan ang star-studded cast ng remake at retelling ng hit Kapuso fantasy series na “Encantadia” ngayong patuloy na tinatangkilik ang kanilang programa at walang-patid rin ang pagpapakita ng pagmamahal ng mga manonood.
Anila, marami pa raw aabangan ang mga tagasubaybay ng fantaserye, kabilang na ang mga bagong karakter at nakakabilib na special effects.
Ayon kay Glaiza, “Ivo Live Encantadia! Nakaka-inspire pa lalo.Especially hindi naman madali 'yung ginagawa namin, lalo na ngayon na may mga pumasok na bagong characters.”
“Everybody's been congratulating everyone every day,” dagdag naman ni Rocco, na gumaganap bilang Aquil.
Mapapanood rin sa “Encantadia” sina Kylie Padilla, Gabbi Garcia, at Sanya Lopez, na gumaganap bilang Sang'gre Amihan, Sang'gre Alena, at Sang'gre Danaya.
Bida rin sa programa sina Klea Pineda, James Teng, Buboy Villar, John Arcilla, Mikee Quintos, Rodjun Cruz, Neil Sese, Carlo Gonzales, at marami pang iba. -- Bianca Rose Dabu/FRJ, GMA News