ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

KAPPT ni Rez Cotez, nais makausap si PNP Chief Dela Rosa tungkol sa showbiz drug list


Nais na makipag-ugnayan ng Kapisanan ng mga Artista sa Pelikulang Pilipino at Telebisyon (KAPPT) kay Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald dela Rosa kaugnay ng sinasabing listahan ng showbiz personalities na sangkot umano sa iligal na droga.

Sa panayam ng GMA News TV's "Balitanghali" nitong Miyerkules, sinabi ni Rez Cortez, presidente ng KAPPT,  muli niyang iginiit na hindi kailangang isapubliko ang pangalan ng mga artistang sangkot sa droga dahil gumagamit lamang ang mga ito at hindi protektor o nagtutulak.

Basahin: At least 50 celebrities in Duterte’s drug list —Diño

Aniya, hindi makatutulong ang pagsasapubliko ng showbiz drug list para makapagbago ang mga artistang gumagamit ng bawal na gamot.

Sa halip, nais umano ng kanilang grupo na malaman sa PNP kung sinu-sino ang mga artistang nasa listahan para makausap nila at matulungan silang makapagpa-rehab.

Kamakailan lang, inihayag ng PNP na nasa mahigit 50 artista umano ang nasa showbiz drug list.

Ayon kay Rez, hindi pa niya nakikita ang anumang listahan ng mga artistang sangkot daw sa droga kaya nakikipag-ugnayan sila sa tanggapan ni Dela Rosa.

"Kung pwede ibigay sa amin ang listahan at kami na mismo on our rank...although ginagawa na namin ngayon by word of mouth, para bang kung sino ang kakilala mo na user ay tigilan na at mag-surrender na; kung kailangang i-drug test sa pamamagitan ng Actor's Guild, kami ang magko-coordinate or we will guide them kung saan sila puwedeng pumunta," ayon kay Rez.

Dagdag niya, "Kaya nga gusto kong makausap ang PDEA (Philippine Drug Enforcement Agency), saka si Gen. Bato (Dela Rosa) para pag-usapan kung ano ang puwede naming partisipasyon sa kampanya tungkol sa illegal drugs."

Sa nakalipas na mga linggo, ilang taga-showbiz ang nadakip kaugnay ng droga tulad nina Mark Anthony Fernandez, Krista Miller at Sabrina M.

Muli ring hinikayat ni Rez ang mga kapwa artista na sangkot sa iligal na droga na magbago na upang hindi mapahamak.

Bagaman nalulungkot sa pagkakasangkot ni Mark Anthony sa usapin ng droga, nagpapasalamat pa rin si Rez na hindi nasaktan ang aktor nang madakip ng mga pulis sa Pampanga dahil sa pag-iingat umano ng marijuana.

Sinabi rin ni Rez na handa silang tumulong sa dating matinee actor na si John Wayne Sace na nasugatan sa pamamaril, at pinaniniwalaang may kaugnayan din sa droga ang kinasangkutan nitong insidente.

Basahin: Dating teen star na si John Wayne Sace, sugatan sa pamamaril

Kasusuko lang umano ni John Wayne sa "Oplan Tokhang" nang barilin ito ng riding in tandem na dahilan ng kaniyang pagkakadala sa ospital, pero nasawi ang kaniyang kaibigan.

"Nakakalungkot din ang nangyari sa kaniya (John Wayne) dahil kailangan pang umabot sa ganito na magkaroon ng barilan. Parang  warning na rin 'yan sa mga artista na gumagamit ng droga na gawin niyo na yung ating dapat gawin para hindi na umabot sa hindi kanais-nais," paalala ni Rez. -- FRJ, GMA News