Jaclyn Jose, nakipagsabayan sa mga Cebuano actor sa pelikulang 'Patay Na Si Hesus'
Ipinamalas ng Kapuso actress na si Jaclyn Jose ang kaniyang pagiging versatile sa bago niyang pelikula na 'Patay Na Si Hesus' kasama ang mga Cebuano actor.
Sa Star Bites report ni Lhar Santiago sa GMA News TV's "Balitanghali" nitong Miyerkules, sinabi ni Jaclyn na nag-aral siyang magsalita ng Cebuano para sa naturang pelikula na kalahok sa QCinema Film Festival.
Aminado ang Best Actress sa nakaraang Cannes International Film Festival na hindi naging madali para sa kanya ang pelikula pero hindi niya inurungan.
"Feeling ko nga miscast ako dahil kasi lahat sila Cebuano pero pinilit, merong language coach pero mahirap," pag-amin niya.
Sa pelikula ay ginagampanan ni Jaclyn ang papel ng isang ina na pupunta sa huling gabi ng lamay ng kanyang ex-husband.
Sa kanilang paglalakbay hanggang makarating sila sa lamay, ipinakita ang maraming nakakatawa pero makatotohanang mga eksena, na hindi raw biro, ayon kay Jaclyn.
"Yung bisaya, magsalita ng bisaya at saka yung driving nang manual. Tapos we had to close the window kasi 'yung sound papasok, so pawis lahat, mainit pero ok lang," ani Jaclyn na nagsabing walang aircon ang kanilang sasakyan.
Natutuwa si Jaclyn na nabibigyan siya ng iba't ibang uri ng proyekto at nagpapasalamat siya sa mataas na ratings ng kinabibilangan niyang Kapuso primetime series na "Alyas Robin Hood" na pinagbibidahan ni Dingdong Dantes.
Dapat daw abangan ang mangyayari sa karakter niya bilang si Judy na tumutulong sa karakter ni Dingdong na si Pepe sa pagtuklas ng katotohanan sa pagkamatay ng kaniyang ama. -- FRJ, GMA News