Kim Domingo on indecent proposal: 'May prinsipyo ako'
Hindi na raw bago sa Kapuso actress at French-Pinay beauty na si Kim Domingo ang makatanggap ng indecent proposals lalo na't nakilala siya bilang isang sexy star.
Mula sa pagiging internet sensation, nakapagpasaya na rin ang aktres sa “Bubble Gang” at “Juan Happy Love Story,” at bumida na rin siya sa FHM men's magazine at ngayon ay napiling 2017 calendar girl ng Ginebra San Miguel.
IN PHOTOS: How white brings out Kim Domingo's beauty
Sa panayam ng GMA News nitong Miyerkules, sinabi ni Kim na, “Sa modelling pa lang, mayroon nang ganyan [indecent proposal]. Hanggang ngayon naman, pero siyempre, deadma na lang.”
Kailanman ay hindi raw pumasok sa kaniyang isip na pumatol sa mga indecent proposal.
“Akala kasi ng iba, kapag nagpapa-sexy, lahat kakagatin mo na. Dahil malakas ang loob mong magpakita ng skin, gagawin mo na lahat. Pero ako, may prinsipyo ako, yun talaga ang maipagmamalaki ko,” pahayag ni Kim.
Dagdag pa niya, “Hindi ako na-tempt, hindi ako nagmadali na maabot yung mga pangarap ko, o kumita ng malaking pera. Proud kong masasabi na lahat ng mayroon ako ngayon, talagang pinaghirapan ko.”
Sa ngayon, abala si Kim sa paghahanda para sa kaniyang mga susunod na showbiz projects.
Kasama na rin sa kaniyang gagawin ang pagbabalik niya sa digital media sa pamamagitan ng isang serye ng “webisodes” kung saan mas makikilala siya ng kaniyang mga tagasuporta.
Nakatakda rin siyang bumida sa isang teleserye sa susunod na taon, kasunod ng matagumpay niyang pagganap sa GMA Primetime series na “Juan Happy Love Story.”
“Of course, hindi mawawala 'yung pagpapa-sexy. Pero darating ang panahon na... hindi habambuhay ay pa-sexy si Kim Domingo. Gusto ko rin na mapatunayang hindi lang 'yun ang kaya kong gawin. Kaya ko ring umarte,” ayon kay Kim. -- FRJ, GMA News