ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Derrick on being 'Tsuperhero': 'Sana tumatak sa mga tao, parang 'Lastikman''


Magbabalik-telebisyon ang tambalan nina Derrick Monasterio at Bea Binene sa upcoming Pinoy superhero comedy adventure na “Tsuperhero,” isang orihinal na konspeto mula sa batikang komedyante na si Michael V.

Gagampanan ni Derrick ang karakter na si Nonoy, isang pilyong jeepney driver na magkakaroon ng natatanging lakas at kakayahang mag-teleport, habang si Bea naman ang magbibigay-buhay kay Eva, isang barker.

Bagaman kadalasang pambata ang mga istoryang superhero at fantasy, tiniyak ni Bea na makaka-relate rin ang mga jeepney driver at ang masa.

"Hindi lang mga bata, pati mga pamilya, nanay, tatay. Kada tao, makaka-relate sa bawat eksena,” ayon kay  Bea sa panayam ng GMA News.

Pahayag naman ng direktor ng programa na si LA Madridejos, “Ang humor ay kinukuha namin sa pang-araw-araw na biyahe, na may halong fantasy... Ang araw-araw na biyahe, 'yon ang paghuhugutan ng 'Tsuperhero.' Ang bigat ng pagbibiyahe araw-araw, hindi ba? So pasasayahin naman namin.”

Aminado ang dalawa na isang malaking hamon ang pagbida sa isang comedy series, kaya naman maliban sa workshops, sumailalim rin sina Derrick at Bea sa ilang immersions.

Bukod sa pakikipag-usap sa mga jeepney driver at barker, sinubukan din nilang mamasada ng jeepney sa Quezon City.

Kuwento ni Bea, “Napakainit. Mausok. Pero noong nag-immersion kami, mas humanga ako sa mga barker at driver. 'Yung driver ng jeep na ginamit namin, galing siyang Rizal tapos sa Cubao ang biyahe niya. Gabi na siya nakakauwi. So, alam mo 'yun, hahanga ka talaga. Minsan, naiinis tayo sa jeepney drivers dahil sa pagda-drive nila, pero kapag nakilala mo sila personally, makaka-relate ka at hahanga ka.”

Dugtong ni Derrick, “Hindi biro ang ginagawa nila. Dati, galit ako sa jeepney drivers kasi bastos sa kalsada. Pero ngayon, natutunan ko silang mahalin. Hindi biro ang pinagdadaanan nila.”

 

A photo posted by @derbeafever on

 

Ito ang unang pagkakataon na gaganap si Derrick bilang isang superhero kaya naman labis niyang ikinatuwa ang pagsusuot ng costume ni Tsuperhero.

Kuwento niya, “Nakakataas ng self-esteem. Parang ang invincible ng feeling. Kapag naka-costume, parang mahina lahat sa'yo.”

Gayunpaman, nakararamdam din umano ng kaba ang Kapuso actor dahil nais niyang mapamahal ang kaniyang karakter sa mga manonood, tulad ng mga sikat na Pinoy superheroes na sina Lastikman, Captain Barbell, at marami pang iba.

“Nagpe-pray ako na sana tumatak ang character ko, parang 'Lastikman.' Isa 'yan sa mga pinaka-ipinagdadasal ko,” aniya.

 

My Journey begins on november... Sincerely, Tsuperhero

A photo posted by @derrickmonasterio on

 

Kaabang-abang daw hindi lamang ang mga kapangyarihan ni Tsuperhero kundi maging ang kaniyang mga makakalaban sa bawat episode.

Ayon kay Direk LA, “(Sa mga kalaban), sinusubukan nating tapatan sina Sandman. May susubukan tayong mala-Transformers. Definitely, ang mga makakalaban ni Tsuperhero, something na manggagaling sa kalye.”

“(Si Tsuperhero naman ay) hindi mali-limit sa teleportation o mabilis na paglipad. Marami siyang i-e-explore na powers. We promise na as the series go along, makikita hindi lang ang dating effects na nakikita na. Maraming bago. Doon naman kilala ang GMA, sa pag-e-explore ng gray areas ng soap o series. Isa ang 'Tsuperhero' sa part ng pag-e-explore na 'yon," dagdag pa niya.

Bibida rin sa pinakabagong comedy show ng Kapuso Network sina Alma Moreno, Gabby Concepcion, Miggs Cuaderno, Betong Sumaya, Philip Lazaro, Valentin, Annalyn Barro, Jemwell Ventinilla, at Kuhol.

Abangan ang pagsisimula ng “Tsuperhero” sa GMA ngayong Nobyembre. -- FRJ, GMA News