Abogado ni Clarisma Sison, naniniwalang malilinis ang pangalan ng kaniyang kliyente
Naghain ng rejoinder affidavit sa korte ang estranged husband ni Sunshine Dizon na si Timothy Tan at ang umano'y third party sa relasyon nila na si Clarisma Sison.
Sa ulat ng GMA news "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing kasama nina Timothy at Clarisma ang kani-kanilang abogado nang dumalo sila sa preliminary investigation sa Quezon City Prosecutor's Office .
Ang pagdinig ay kaugnay sa reklamong inihain ni Sunshine na paglabag sa anti violence against women and their children at concubinage.
Sa kabila nito, sinabi ni Timothy na maayos ang pakikitungo nila ni Sunshine sa isa't isa kaya nabibisita niya ang mga anak nila ng aktres.
Naniniwala naman ang abogado ni Clarisma na malilinis ang pangalan ng kanyang kliyente, na sinasabing dahilan ng pagkakahiwalay ng mag-asawa.
Samantala, ang abogado lang ni Sunshine ang dumalo sa naturang pagdinig. -- FRJ, GMA News