Janine Gutierrez, nabigla sa costume niya bilang si Agua sa 'Encantadia'
Itinuturing dream come true ni Janine Gutierrez na maging bahagi siya ng matagumpay na Kapuso fantaserye na "Encantadia."
Sa episode ng "Encantadia" nitong Biyernes, napanood na si Janine bilang ang gabay-diwa na si Agua, ang diwata sa loob ng brilyante ng tubig.
Tungkulin ng karakter ni Janine ang pangalagaan ang brilyante, at kung sino man ang may hawak nito, ayon sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras."
Itinuturing ni Janina na espesyal ang pagkakaroon niya ng papel sa telefantasya dahil fan daw siya nito kahit noong bata pa siya sa unang "Encantadia."
Sobrang na-e-enjoy daw ng young actress ang taping dahil masarap na kasama raw ang cast ng "Encantadia."
Natatawang pag-amin din ng dalaga, nagulat siya nang makita niya ang costume niya bilang Agua.
"Sexy yung damit ni Agua, medyo nabigla ako. Pero siyempre 'Encantadia' 'yan, lahat ng Sang-gre magaganda at sexy, so na-pressured din po ako," ani Janine.
Sa ngayon, sobrang busy daw si Janine dahil bukod sa "Encantadia," nagta-taping din siya para sa "Usapang Real Love at may tinatapos pa siyang pelikula.
At kahit nawala ang kanyang lovelife, hindi naman daw siya nalulungkot dahil trabaho daw ang focus niya ngayon. -- FRJ, GMA News