Robin Padilla hopes to be with family in America after being granted absolute pardon
Naging emosyonal ang aktor na si Robin Padilla nang matanggap ang dokumentong nagsasaad na ibinibigay na sa kaniya ni Pangulong Rodrigo Duterte ang absolute pardon, higit sa dalawang dekada matapos siyang makalaya mula sa tatlong taong pagkakakulong sa New Bilibid Prison.
Matatandaang nakulong si Robin noong 1994 dahil sa kasong illegal possession of firearms, at nakalaya lamang nang bigyan ng conditional pardon ni dating Pangulong Fidel Ramos noong 1997.
Ayon kay Duterte sa naunang pahayag nitong Martes, “I just granted pardon in favor of Robin Padilla kasi 'yung original pardon niya, hindi sinabi 'yung full restoration ng political and civil rights. Therefore, he could not travel... vote or be issued a passport.”
"Ang crime na 'yan, walang nasaktan...He suffered enough, I think. Kung bitawan mo lang yung tao sa labas, give him the rights na makaboto, maka-travel, whatever, to enjoy,” dagdag pa niya.
Hindi raw inasahan ng action star ang paggawad sa kaniya ng absolute pardon dahil nagpunta lamang siya sa Malacañang upang ibahagi sa Pangulo ang ilang impormasyon tungkol sa mga hospital na balak nilang ipaayos.
Lingid sa kaalaman ni Robin, nag-apply ang kaniyang talent manager na si Betchay Vidanes sa Board of Pardons and Parole apat na buwan na ang nakalilipas para sa magawaran siya ng executive clemency.
Aniya, kailanman ay hindi niya hiningi ang absolute pardon sa kahit na sinong Pangulo ng Pilipinas.
“Si Erap [Joseph Estrada], inutusan ako sa Abu Sayyaf, kung saan-saan. Si GMA [Gloria Macapagal-Arroyo], kung saan-saan ako inutusan niyan. Pero kahit isang beses, hindi ako humingi. Hindi ko hiningi ito. Para sa akin, ang serbisyo sa bayan ay hindi dapat palitan,” paliwanag ng aktor sa ulat ng "24 Oras" nitong Miyerkules.
Naniniwala raw ang aktor na kahit naging isa siya sa mga pinakamasugid na tagasuporta ni Duterte noong eleksyon, hindi isang uri ng pabor ang absolute pardon na ibinigay sa kaniya.
Pahayag ni Robin, “Kung anoman ang naging kasalanan ko sa lipunan, binayaran ko 'yan ng tatlo't kalahating taon sa loob ng kulungan. Kaya walang puwedeng magsabi sa akin na nakakuha ako ng pabor. Hindi ako nakakuha ng pabor. At binayaran ko pa ulit nang 23 years sa labas, habang ang isa ko ay nandoon sa Bilibid.”
JUST IN: President Duterte grants actor Robin Padilla absolute pardon pic.twitter.com/jbWMPfyANo
— GMA News (@gmanews) November 15, 2016
'Hands-on father'
Itinuturing umano ni Robin na isang malaking biyaya ang absolute pardon sa kaniya, lalo na't halos kasabay ito ng pagsilang kay Maria Isabella, ang panganay na anak nila ng host-actress na si Mariel Rodriguez.
Nasaksihan lamang ng aktor ang panganganak ng kaniyang asawa sa pamamagitan ng video call dahil hindi siya nabigyan ng visa upang makapasok sa Amerika.Nais raw niyang bumawi at maging hands-on dad kay Baby Isabella.
“Mag-apply ng visa, 'yan ang unang-una kong gustong gawin. Napuno na kami ngayon ng hope na baka-sakaling makatulong ito na makapunta ako sa America,” aniya.
Matatandaang dalawang beses nagkaroon ng miscarriage si Mariel noong Marso at Agosto 2015, kaya naman malaki ang pasasalamat ng mag-asawa na ipinanganak nang malusog ang kanilang anak nitong Lunes, November 14.
“Maraming salamat po Mahal na Panginoong maylikha sa biyaya ng buhay at kaligayahan. Nagpapasalamat po ako sa mga taong inyong inalay sa amin upang maalagaan ang aking asawa sa kanyang maselan na pagbubuntis hanggang sa panganganak,” ayon kay Robin.
Nagbigay-pugay din siya sa mga kaibigan at kamag-anak na nag-alaga kay Mariel sa Amerika, lalong-lalo na sa mga magulang ng kaniyang asawa.
Aniya, “Ako ay nagpupugay sa iyo. Tita Maricon Termulo at Eric Tamesis, na nagsilbing hotel ang kanilang bahay, naging driver at bodyguard ang buong pamilya at higit sa lahat, para sa haplos ng isang ina.”
“At sa iyo, Sir Abellardo Termulo, sa pagpapakita ng iyong pagmamahal at suporta sa iyong anak, wala po kayong katulad. Isa po kayong alamat sa pagiging ama at bilang lolo ni Maria Isabella. Sinamahan mo siya sa pagtawid mula sa sinapupunan hanggang sa pagsilang. Isa pong karangalan na kayo ang pumutol ng umbilical cord,” dagdag pa na aktor. -- FRJ, GMA News