Will Gabbi Garcia and Ruru Madrid go from reel to real soon?
Ngayong nalalapit na ang pagdiriwang ni Gabbi Garcia ng kaniyang ika-18 na kaarawan, marami ang nagtatanong kung magiging magkasintahan na sila ng kaniyang ka-love team na si Ruru Madrid.
Mula nang magsimula sa showbiz ang "Encantadia" actress, si Ruru na ang naging kapareha niya. Kaya naman hindi kataka-takang na maging malapit sa isa't isa ang dalawa sa likod at harap ng camera.
Sa mga Instagram post nga ng Kapuso actor, tila hindi na nito maitago ang espesyal na nararamdaman para sa dalaga.
"You make me happy in a way no one else can...Moments with you, that's when I wish I could stop time," ayon kay Ruru.
Dagdag niya sa hiwalay na post, "Making a hundred friends is not a miracle. The miracle is to make a single friend who will stand by your side even when hundreds are against you."
Gayunpaman, itinanggi ni Gabbi na nanliligaw na sa kaniya ang ka-love team.
Hindi pa nga raw sila nakakapag-date o nakakalabas nang walang ibang taong kasama.
Kuwento ni Gabbi, "Si Ruru, very gentleman. Kapag may gusto siyang sabihin, sasabihin niya sa mga magulang ko. Kung gusto man niyang manligaw, my parents would know it first. So far, wala pa naman siyang sinasabi."
"Sa ngayon, sobrang close kami. All-out siya. Halos everyday magkasama kami because of 'Encantadia' and 'Sunday Pinasaya,' dagdag pa niya.
Hindi naman itinanggi ng aktres na nararamdaman niya ang pagpapahalaga sa kaniya ng binata, kaya naman labis ang pasasalamat niya sa pag-aalaga nito sa loob ng higit sa dalawang taon.
Aniya, "Hindi ko naman dine-deny na may extra care siya sa akin. Nakikita naman ng lahat 'yon. Pero hanggang doon muna. Kasama ko naman si Ruru sa buong two and a half years na magkatrabaho kami. Naging masaya naman kami. Enough muna 'yon."
"Thankful ako na may nag-aalaga sa akin. Iba kasi ang alaga ng parents and family. Ganito pala ang feeling na maalagaan ng isang Ruru," pahayag pa ni Gabbi.
Sa ngayon, nakatuon muna ang pansin ni Gabbi sa kaniyang career at sa pagnanais na makapag-aral muli.
Nais rin daw ng kaniyang mga magulang na maging handa siya bago tuluyang pumasok sa isang relasyon.
Paliwanag niya, "Basta ang deal namin ng parents ko is I have to establish myself first. I have to prioritize things—career, school. I graduated high school last year and I have yet to enter college. I have so many things to do before I enter a relationship."
Kung sakaling maging magkasintahan sina Gabbi at Ruru, ang Kapuso actor raw ang magiging first boyfriend ng aktres.
Papasa naman kaya si Ruru sa standards ni Gabbi?
Sagot ng dalaga, "Lahat naman ng traits na gusto ko sa guy, mayroon naman siya. Hindi muna ako magye-yes or no. Bahala na siya. Tingnan na lang natin."
"Basta happy ako na nandiyan siya. At least, hindi niya ako binibitawan," pagtatapos niya.
Gabi-gabing mapapanood sina Gabbi at Ruru sa remake at retelling ng Kapuso fantasy series na "Encantadia" bilang si Sang'gre Alena at Ybarro.
Mapapanood din ang GabRu loveteam tuwing Linggo sa award-winning Kapuso comedy variety show na "Sunday Pinasaya." -- FRJ, GMA News