Gabbi Garcia on her debut #SincerelyGabbi: This is a dream come true
Nasasabik na ang Kapuso actress at "Encantadia" star na si Gabbi Garcia sa nalalapit na pagdiriwang ng kaniyang ika-18 na kaarawan ngayong Disyembre.
Magaganap ang #SincerelyGabbi debut party ng aktres sa December 6, apat na araw matapos ang kaniyang kaarawan, sa Manila Marriott Hotel sa Pasay City.Bata pa raw siya, pangarap na ni Gabbi na magkaroon ng sariling debut party.
Kuwento niya sa ginanap na press conference nitong Huwebes, "Ever since bata ako, lagi kong sinasabi na gusto kong mag-debut. Kapag dumadaan kami sa events place, I would always say na, 'Mommy, magde-debut ako.'"
A video posted by Jason Magbanua (@jasonmagbanua) on
"She would tell me na hindi kaya, it's too expensive. Mag-travel na lang daw kami with the family. And I would always say na, 'Hindi, kaya ko 'to. Akong bahala sa debut ko.' And true enough, natupad ko ang dream na 'yon," dagdag niya.
Higit pa raw sa inaasahang debut party ni Gabbi ang makukuha niya sa kaniyang kaarawan. Kaya naman naging hands-on ang dalaga sa paghahanda para rito simula nitong nakaraang Hunyo.
Aniya, isang malaking regalo na ito para sa kaniya, kapalit ng tatlong taon na pagtatrabaho sa showbiz.
"My birthday gift for myself is the debut itself. Pangarap ko talaga ito. Having a debut na pinaghirapan ko, dito ko nakita na, 'Ito na pala 'yung nagawa ko. Sa 18 years ko, kaya ko na palang magpa-debut, with the help of others but mainly through my successes and hardwork," saad ng aktres.
Kabilang sa mga dadalo sa debut ni Gabbi ang kaniyang mga kaanak at malalapit na kaibigan sa loob at labas ng industriya.
Bahagi ng 18 roses ang kaniyang ama at mga lolo, pati na sina Ruru Madrid, Rocco Nacino, Carlo Gonzales, Pancho Magno, Derrick Monasterio, Kristoffer Martin, Jerald Napoles, at Alden Richards.
Nasa 18 treasures naman sina Dingdong Dantes, Marian Rivera, AiAi Delas Alas, at Direk Mark Reyes, habang bahagi naman ng 18 candles sina Kylie Padilla, Glaiza de Castro, Sanya Lopez, at Julia Barretto.
"Very sentimental person kasi ako. Kaya #SincerelyGabbi, kasi gusto ko na sincere lahat. Walang malalaking design, minimal lang. At ang highlight of the night ay the people who are important to me are there. It's about me as myself, hindi kung gaano kabongga ang venue o designs," ayon kay Gabbi.
Suot niya sa kaniyang espesyal na araw ang dalawang gown na obra ni Mark Bumgarner at isang after-party dress mula kay Martin Bautista.
High fashion at minimalist ang magiging tema na #SincerelyGabbi, na mapupuno ng mga kulay na black, white, silver, at green. -- FRJ, GMA News