ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz
LOOK

Denise Laurel, nilinaw kung bakit sila nasa Libingan ng mga Bayani nang araw na ilibing si Marcos


Nilinaw ng actress-singer na si Denise Laurel, apo ni dating Vice President Salvador 'Doy' Laurel, ang dahilan kung bakit nasa Libingan ng mga Bayani ang kaniyang pamilya nitong Biyernes, ang araw na inihimlay din sa naturang lugar si dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Ginawa ito ni Denise sa pamamagitan ng Instagram post matapos mapabalita na sinusuportahan umano ng pamilya niya ang paglilibing kay Marcos sa Libingan ng mga Bayani.

Pero paliwanag ng aktres, nasa himlayan sila dahil ginugunita nila ang araw ng kapanganak ng kaniyang lolo.

 



Tumakbong bise presidente si Laurel matapos na magbigay-daan sa kandidatura ni Cory Aquino bilang kandidatong pangulo ng oposisyon laban kay Marcos sa ginanap na 1986 snap elections.

Sa harap ng mga alegasyon ng dayaan, nanalo sa naturang halalan si Marcos at running mate niya na si Arturo Tolentino. Humantong ito sa EDSA people power revolution na nagpabagsak sa rehimeng Marcos at pagluklok kay Cory bilang pangulo at bise presidente si Laurel.

Nag-post din sa Instagram si Denise ng video ng kaniyang lolo Doy nang  panahon nilalabanan nito ang diktador na rehimen ni Marcos.

Saad niya sa isang caption: "Let's not let other things over shadow what today is all about.. a true hero of our country he lived by the words Ang Bayan Higit sa Lahat.. Happy Birthday Papa Doy I love u."

 


Samantala, inihayag ng biyuda ni Doy Laurel na si Celia,  na pabor siya sa paglilibing kay Marcos sa LNMB, ayon sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Sabado.

Pero paglilinaw ni Gng. Laurel, personal niyang opinyon ang tungkol sa pagpapalibing kay Marcos sa LNMB at hindi raw nito sinasalamin ang opinyon ng buong pamilya Laurel.-- FRJ, GMA News