Simpleng birthday celebration ni Baby Zia, family bonding time ng pamilya
Naging family bonding time ng pamilya Dantes ang simpleng selebrasyon ng unang kaarawan ni Baby Maria Letizia, ayon sa Kapuso Primetime King na si Dingdong Dantes.
"Kahapon kaming tatlo lang [nina Marian]. So simple lang, very quiet at parang ginawa rin namin siyang mini-vacation na day-trip lang kasi wala naman kaming masyadong oras together kung hindi weekends lang,” kuwento ng aktor sa mga mamamahayag bago ang launching Artgap 2016 Painting Exhibit nitong Huwebes.
“Doon sa special day niya, siniguro namin na talagang magkakasama kaming tatlo,” dagdag ng “Alyas Robin Hood” star.
A photo posted by Dingdong Dantes (@dongdantes) on
Paliwanag pa ng aktor, mas maganda umano na maging simple ang selebrasyon para magkaroon ng pagkakataon ang kanilang mga mahal sa buhay at kaibigan na makasama si Baby Zia.
"Siguro sa stage kasi niya ngayon, magandang mas intimate dahil mas makakasalamuha niya yung kanyang pamilya, yung kanyang mga ninong, ninang nang mas maraming oras,” ani Dingdong.
“Kasi kapag may party, maraming tao tapos baka hindi rin niya makita lahat. Hindi rin ma-appreciate si Zia ng lahat kasi siyempre mapapagod, maraming activities and I think hindi niya pa gaanong ma-a-appreciate 'yung ganung klaseng party,” patuloy niya.
Ang mahalaga umano, magkaroon sila ng personal bonding time kay Zia.
“Mas maganda talaga yung bonding time, personal time, and I think 'yon ang mas walang katumbas na anumang halaga na laki ng party,” paliwanag niya.
Pero ayon kay Dingdong, magkakaroon pa rin naman sila ng hiwalay na mini celebrations para sa kanilang prinsesa.
“Meron naman sa weekend, kasama naman namin yung family. Yung mga ninong, ninang, sa ibang araw din. We plan a series of pocket celebrations, mga maliliit lang talaga. Basta meron din dapat na selebrasyon kahit papaano,” saad niya.
Samantala, isang madamdaming mensahe ang ibinahagi ng Kapuso Primetime Queen Marian Rivera para sa kaniyang anak na makikita sa kaniyang Instagram account.
"Happy birthday, Anak. Mahal na mahal ka namin ng Tatay mo. Nawa'y lumaki ka na maging isang mabuting tao at mapagmahal sa iyong kapwa. Kasabay ng iyong kaarawan ay ipinagpapasalamat ko rin ang isang taon ko na pagbibigay ng gatas sa iyo. "Hinding- hindi ko nakakalimutan ang sakripisyo mo para sa anak natin. I am so proud of you! I appreciate your efforts very much!" - Iyan ang lintanya ng asawa ko bago nya ibinigay ang painting na yan sa akin kanina lang pagkauwi namin from Tagaytay. Mahal, salamat sa regalong ito. Sobrang naanting mo ako. Haaay ang sarap mabuhay na kasama kayong dalawa! Thank you LORD," anang aktres.
-- FRJ, GMA News