ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Alamin kung sino ang tunay na nag-iisang 'Superstar' para kay Nora Aunor


Sa pagbisita ng nag-iisang "Superstar" ng Philippine showbiz na si Nora Aunor sa programang "Sarap Diva," ikinuwento ng batikang actress-singer ang kaniyang kabiguan nang una sumali sa isang sikat na singing competition.

 


Ayon kay Regine, marami ang naghahalintulad sa kanila ni Nora o Ate Guy, dahil sa kanilang mga pinagdaanang pagsubok bago narating ang tagumpay.

Gaya ni Ate Guy, nagmula rin sa mahirap na pamilya si Regine...at nagsimula rin ang showbiz career sa pagsali sa singing contest. 

Pag-amin ni Regine, naging inspirasyon niya si Ate Guy sa kaniyang buhay.

Kuwento naman ni Ate Guy, hindi siya nanalo nang una siyang sumali sa "Tawag Ng Tanghalan sa edad na 12.

"Nung unang audition ko siyempre kinanta ko yung... lagi kong kinukuwento 'to, 'You Are The Night and the Music,'" ani Ate Guy. "Unang audition ko hindi ako nakasali so kailangan kong bumalik after six months."

Pagkaraan ng anim na buwan, nag-audition muli sa Ate Guy at nakapasok nang kantahin muli ang "You Are The Night and the Music."

"Ang dating kampeon noon si Jose Yap, so nag-first prize ako. Naglaban kami, hindi ko tinalo 'yon, natalo pa rin ako," pagbabahagi pa rin ni Ate Guy.

Muling sumali si Ate Guy sa naturang patimpalak at nakapasok muli sa audition sa pag-awit naman niya ng "People."

Sa pagkakataong ito, tinalo na niya ang dating kampeon at mula noon ay nagtagal sa pagiging kampeon si Ate Guy sa loob ng 14 na linggo.

Mula sa pag-awit, nakapasok na rin si Ate Guy sa pag-arte hanggang sa bansagan na siyang "Superstar" dahil sa pagtabo sa takilya ng kaniyang mga pelikula.

Pero buong pagpapakumbabang pag-amin ng batikang singer-actress, hindi siya nasanay sa naturang titulong "Superstar."

"Hindi ako sanay hanggang ngayon eh," saad niya kay Regine."Kasi isa lang naman ang superstar ang dapat nating tawagin sa Itaas [si Jesus]." -- FRJ, GMA News